Agad ikinasawi ng isang negosyante ang mga saksak sa katawan na kanyang tinamo sa dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Quezon City, iniulat kahapon.

Kinilala ang biktima na si Taba Abdulah, 31, tubong Lanao del Sur at nakatira sa Kaunlaran Street, Barangay Commonwealth, Quezon City.

Tinutugis naman ng mga awtoridad ang mga tumakas na suspek na pawang nakasuot ng itim na t-shirt at nasa edad 30-35.

Sa inisyal na ulat ni PO3 Zaldy Notarte, desk officer ng Batasan Police Station 6, dakong 6:30 ng gabi nangyari ang pananaksak sa may overpass sa Litex road, sa kanto ng Commonwealth Avenue sa Bgy. Commonwealth, Quezon City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakatayo umanong binabantayan ng biktima ang kanyang tindahan nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki na bumaba mula sa puting van at basta na lamang kinuha ang mga panindang medyas, salamin, at iba pa.

Nang pumalag si Taba, isa sa mga suspek ang sumaksak sa kanya ng ilangs beses hanggang sa siya’y humandusay sa bangketa.

Nang makitang bumulagta ang biktima ay tumalilis ang dalawang lalaki at sumakay sa van na humarurot papalayo.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Jun Fabon)