Patay ang isang 30-anyos na lalaki, hinihinalang matinik na holdaper, nang manlaban sa mga nagpapatrulyang pulis na sumita sa kanya matapos siyang maaktuhang may hawak na sumpak sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Patay na nang isugod sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ang suspek na si Jessie Sucaldito, ng Building 34, Aroma Compound, Tondo, Maynila, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ni SPO1 Jonathan Ruiz, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 6:45 ng gabi nangyari ang insidente sa Aroma Compound sa Tondo.

Una rito, nagpapatrulya ang mga tauhan ng MPD-Station 1, sakay sa kanilang motorsiklo, sa southbound ng R-10, kanto ng Aroma Compound, bilang bahagi ng kanilang anti-criminality campaign.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Pagsapit mga pulis sa kanto ng Aroma Compound ay namataan nila si Sucaldito na may hawak na sumpak at tila nag-aabang ng panibagong biktima kaya agad nila itong sinita.

Gayunman, sa halip na sumuko ay pinaputukan pa umano nito ang mga pulis at saka nagtatakbo papasok sa mga eskinita sa lugar.

Hinabol naman ito ng mga pulis hanggang sa tuluyang makorner sa ikalawang palapag ng Building 33, Aroma Compound.

Pinakiusapan pa umano ng mga pulis si Sucaldito na sumuko na lamang ngunit magpapasabog na ito ng granada kaya napilitan ang mga awtoridad na barilin na ang suspek. (Mary Ann Santiago)