Inihayag kahapon ng isang opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na nananatiling kontrolado ng nasa 70 armadong lalaki ang sikat na Ocean Adventure theme park sa Subic, Zambales.

Ayon sa mga ulat, Pebrero 13 nang salakayin ng mga armado ang theme park, kaugnay ng alitan sa pagitan ng dati at kasalukuyang management nito.

Nagtungo na sa Subic ang mga kinatawan ng Department of Labor and Employment (DoLE) at ng Philippine National Police (PNP) upang beripikahin ang sitwasyon, na ikinasugat ng 10 manggagawa roon.

Sa isang panayam ng radyo, sinabi ni SBMA Chairman Martin Diño na mga dating investor sa establisimyento, sa pangunguna ng dayuhang si Scott Sharpe, ang nasa likod ng pagsalakay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“’Yung pamamaraan, pumasok sila nang walang court order, walang sheriff is a grave violation,’’ ani Diño. “It saddens me because they should not have been allowed to enter in the first place.’’

Aniya, hanggang ngayon ay hindi pinapayagang pumasok sa theme park ang mga empleyado nito dahil sa patuloy na pagbabanta ng grupo ni Sharpe.

Nagpakilala bilang isa sa mga founding owner at majority stockholder ng Subic Bay Marine Exploratorium, Inc. (SBMEI), itinanggi ni Sharpe na may nangyaring “undue force’’.

“There was no harassment, physical violence or force that ensued during the recovery of the marine park and Camayan Resort. What took place on February 13, 2017 was a legitimate act and a lawful exercise of our property rights,” saad sa pahayag ni Sharpe sa Balita. (Franco G. Regala)