Hinamon kahapon ni Senator Leila de Lima si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na pangalanan ang ayon sa kalihim ay isang kongresista at dating senador na miyembro ng Liberal Party (LP) na nag-alok umano ng P100 milyon sa mga high-profile inmate upang baligtarin ang testimonya ng mga ito laban sa senadora.

“Show proof or shut up,” sabi ni De Lima kay Aguirre. “I could not help but laugh at this another outlandish and hysterical story being fed to the media.”

Ito ay kasunod ng pagbubunyag ni Aguirre kahapon ng umaga na inalok ng nasabing halaga si Clarence Dongail, dating pulis at convicted kidnapper na nakakulong ngayon sa Camp Aguinaldo, makaraang tawagan ito sa cell phone.

Sinabi ni Aguirre na unang inalok si Dongail nitong Miyerkules ng hapon, na sinundan pa kahapon ng umaga, kapalit ng pagbawi sa testimonya ng mga ito laban kay De Lima.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

PEOPLE POWER 3?

Dagdag pa ng kalihim, ang nasabing alok kay Dongail ay bahagi ng panibagong EDSA People Power na umano’y planong ilunsad ng oposisyon laban sa gobyerno.

Nais umanong gamitin ng mga nasa likod ng panunuhol ang pagbawi ng mga bilanggo sa testimonya para makahikayat ng mas maraming magtitipon sa EDSA para sa ika-31 anibersaryo ng People Power sa Sabado.

Ayon kay Aguirre, tumanggi si Dongail sa nasabing alok sa parehong pagkakataon.

“I dare Aguirre to name names and show proof, otherwise he too should shut up,” ani De Lima. “Obviously, it should not warrant any air time or editorial space unless Justice Secretary Vitaliano Aguirre can provide verifiable proof, and not just mere hearsay.”

Kabilang sa mga nakadetine sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Custodial and Detention Center sa Camp Aguinaldo ay ang mga convicted na sina Herbert Colanggo, Engelberto Durano, Vicente Sy, Jojo Baligad, at Peter Co.

Ang mga nabanggit na bilanggo ay pinangangasiwaan ng Department of Justice (DoJ) bilang mga testigo laban sa senadora kaugnay ng bentahan ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Kaugnay ng kinahaharap na tatlong kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act sa Muntinlupa City Court, inilabas na kahapon ng korte ang arrest warrant laban kay De Lima. (Leonel Abasola at Beth Camia)