HINDI mapasisinungalingan na ang Edsa People Power ang naghudyat sa panunumbalik ng demokrasya sa Pilipinas, 31 taon na ang nakalilipas. Ang itinuturing na ‘bloodless revolution’ na nilahukan ng milyun-milyong mamamayan ang mistulang nagpatalsik sa diktadurya na kumitil sa mga karapatan ng taumbayan; sumilang ang mga kalayaan na dapat lamang tamasahin ng humaliling administrasyon.

Simula noon, ang Edsa ay palaging nagiging eksena ng makabuluhang paggunita sa makasaysayang kabanata sa ating bansa; itinatampok ang itinuturing na mga bayani, kaakibat ng nagkakaisang paninindigan laban sa pagbabalik ng mapaniil na pamamahala. Maluho subalit madamdamin at makatuturan ang mga selebrasyon bagamat nababahiran ng magkakasalungat at nakadidismayang mga pananaw na ipinangangalandakan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Sa bahaging ito ay maitatanong: Mayroon nga bang dapat ipagdiwang sa naturang makasaysayang People Power? Sumilang ba ang mga kalayaan na inaasam ng sambayanang Pilipino?

Bilang isang miyembro ng media, nais kong bigyang-diin ang ating pagkahulagpos sa pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag. Sariwa pa sa ating gunita ang daglian at nakapangingilabot na pagpapasara ng pinaglilingkuran nating mga pahayagan at himpilan ng radyo at telebisyon dahil sa lupit ng martial law; mistulang inagaw ang ating ikinabubuhay at kinitil nga ang makapangyarihang armas ng mediamen.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Ngayon, taas-noo nating naipapahiwatig: Pen is mightier than the sword. Ang mga print at broadcast journalist ay malayang nakasusulat at nakapagsasahimpapawid ng lahat ng nais nilang sulatin kailanma’t ang mga ito ay laging nakaangkla sa Journalist Code of Ethics.

Mula sa mistulang pagkalumpo ng press freedom noong panahon ng diktadurya, umalab ang kaisipan ng ating mga kapatid sa propesyon sa pagsisiwalat ng mga katotohanan at kabulukan na dapat mabatid ng mga mamamayan. Dangan nga lamang at may mga pagkakataon na nalalagay sa panganib ang kanilang buhay, tulad ng nakakakilabot na Maguindanao massacre na ikinamatay ng 35 mediamen. Bukod pa rito ang pamamaslang sa ating mga kapatid sa media na sinasabing kinasasangkutan ng malalaking pulitiko na nasasagasaan natin sa pagtupad ng ating mga tungkulin bilang mga mamamahayag. Subalit ang ganitong kahindik-hindik na pagbabanta sa buhay ay hindi nakatitigatig sa ating mga kasamahan.

Totoo na marami pang kalayaan na ibinunga ng panunumbalik ng demokrasya. Ngunit natitiyak ko na ang mga ito ay taliwas sa pananaw ng higit na nakararaming mamamayan. Ang kalayaan sa pangungulimbat sa salapi ng bayan ay kasumpa-sumpa. Isipin na lamang ang bilyun-bilyong pisong nanakaw kaugnay ng masalimuot na Presidential Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP). Bukod pa rito ang kalayaan ng ilang alagad ng batas sa walang patumanggang pagpaslang sa mga hinihinalang kriminal at sugapa sa droga, at maraming iba pa. Hindi ba hanggang ngayon ay talamak ang pagkakapangkat-pangkat ng ating mga kababayan? (Celo Lagmay)