NEW YORK (AP) – Tinanggihan ng Minnesota Timberwolves ang huling pagtatangka ng New York Knicks na mai-trade si Derrick Rose kapalit ni Ricky Rubio bago mapaso ang NBA trade deadline nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Ang alok ng New York ay ‘straight trade’, ayon sa pahayag ni ESPN’s Marc Stein.
Sa kabila ng usap-usapan na sangkot si All-Star forward Carmelo Anthony sa nilulutong trade ng Knicks, higit umanong makatotohanan na maipamigay si Rose bunsod na rin ng malamyang performance nito sa kanyang unang season sa Big Apple team.
May averaged 17.7 puntos, 4.5 assist, 3.9 rebound at 0.7 steal ang 6-foot-3 na si Rose sa 48 laro sa Knicks. Sa 51 laro ni Rubio, nakapagtala ito ng 8.9 puntos, 8.4 assist, 3.8 rebound at 1.8 steal.
Sa pahayag ni Adrian Wojnarowski ng The Vertical, inilagay ng Knicks si Rose sa trade option kahit hindi makakuha ng higit o pantay na deal.
“The sense I’ve gotten from talking to other teams who’ve talked to New York is they feel like the Knicks would almost give away Derrick Rose right now,” sambit ni Wojnarowski.
Nakatakdang tumanggap si Rose, 2008 Rookie of the Year at 2011 MVP, ng US$21.3 milyon sa kanyang huling taon ngayong season sa Knicks.