SA press conference noong Lunes ni retired police officer SPO3 Arthur Lascañas, binawi niya ang nauna niyang testimonya sa Senate Commitee on Justice and Human Rights. Pinabulaan niya kasi noon ang deklarasyon ni Edgar Matobato na may Davao Death Squad (DDS) na nilikha ni Pangulong Digong noong siya pa ang alkalde ng Davao City at pinuno nito. Ngayon, pinatotohanan niya ang sinabi ni Matobato. Noong alkalde pa raw ng Davao ang Pangulo, inatasan at binayaran siya at ang ibang miyembro ng death squad na patayin ang mga kriminal at kanyang mga kalaban. Binayaran daw siya at ang grupo ng P3 milyon para patayin si radio host Juan Pala, Jr. noong Setyembre 6, 2003. Kinumpirma niya rin iyong sinabi ni Matobato na si Pangulong Digong mismo ang pumatay sa isang tao gamit ang Uzi machine pistol.

“Lahat ng pinatay namin sa Davao City,” sabi niya, “kung hindi namin ibinabaon ay itinatapon namin sa dagat at binabayaran ang mga ito ni Mayor Duterte.” Kadalasan, P20,000, kung minsan P50,000 o kaya P100,000 ang ibinabayad daw sa kanila depende sa status ng kanilang pinatay. May yugto sa kanyang pagsasalaysay na napaiyak siya nang sabihin niyang binabagabag siya ng kanyang konsensiya sa naging papel niya sa pagpatay kasama ang dalawa niyang kapatid na iniutos niyang patayin dahil gumagamit ng droga.

Habang nagsasalaysay si Lascañas, nasa pagitan siya nina Atty. Alex Padilla, Arno Sanidad at La Salle Dean College of Law na si Jose Manuel Diokno. Sila ay miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) na ipinundar nina Sen. Jose W. Diokno, Lorenzo Tañada at Joker Arroyo upang pangalagaan at itaguyod ang karapatang pantao at karapatan sibil ng mamamayan. Pinuhunan nila ang kanilang buhay at pagod ang ginawa nilang pakikipaglaban na walang katumbas na salapi o anumang konsiderasyon kundi ang pangibabaw ng katarungan at katotohanan laban sa kaapihan at paniniil.

Kaya, mali si Presidential Communication Secretary Martin Andanar na may umikot na malaking halaga sa paglabas ni Lascañas sa media. Na ang layunin daw nito ay sirain at pabagsakin ang administrasyon ni Pangulong Digong na ipinagkaila ng FLAG. Kaya tuloy inalmahan si Andanar ng kapwa niya nasa media at ipinatuturo sa kanya kung sino sa kanila ang tumanggap ng salapi para bigyan ng panahon si Lascañas sa kanyang panibagong pagpapahayag. Ang malaking problema ngayon ni Pangulong Digong ay may mga abogado nang tulad ng FLAG at Artikulo 3, dating MABINI, ang handa nang ipaglaban ang katarungan para sa mga nabibiktima ng kanyang giyera laban sa ilegal na droga. Madali itong dumami dahil mahirap supilin ang katarungan. May katulong na ang Simbahan, tulad noong panahon ng diktadura, nang ipaglaban nito ang buhay ng tao. (Ric Valmonte)

Night Owl

Kailangan mong bumoto