DUBAI, UAE – Hindi naitago ni Mighty Sports import Justine Brownlee ang pagkadismaya sa kinalabasan ng kampanya ng koponan sa kasalukuyang Dubai International Basketball Championship dito.

Ngunit, napalitan ng ngiti ang tila nilukot na papel na aura ni Brownlee nang matanggap ang balita na tagumpay ang Ginebra Kings sa ‘do-or-die’ game laban sa Star Hot shots para makausad sa Finals ng OPPO-PBA Philippine Cup.

Laban sa San Miguel Beermen sa championship match, target ng Kings na makopo ang ikalawang sunod na kampeonato.

Sa tulong ni Brownlee, tinuldukan ng Kings ang walong taong pagkauhaw sa kampeonato nang makopo ang Governor’s Cup sa nakalipas na season.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“I’m excited about it, San Miguel is a tough team but Ginebra will win the title. No doubt about it,” pahayag ng 6-foot-5 American import, nakaukit na sa kasaysayan ng PBA nang maisalpak ang buzzer-beating three-pointer na nagpanalo sa Kings.

Kumpiyansa man, iginiit ni Brownlee na kailangang mabakuran ng todo ang 6-foot-10 three-time MVP na si June Mar Fajardo.

“They better take care of business holding June Mar. When we go home I’ll try to catch up and watch with their games,” ayon kay Brownlee.

Bukod sa malimitahan si Fajardo, malaking bagay sa panalo ng Ginebra ang consistent game nina LA Tenorio at Sol Mercado.

“The veteran guards should also step up offensively. They are the key to Ginebra’s success,” pahayag ni Brownlee.

(Rey C. Lachica)