LUCENA CITY – Sinuman kina Jan Paul Morales at Rudy Roque ang maging kampeon, maluwag na tatanggapin ng Philippine Navy-Standard Insurance. Tangan ng dalawa ang 1-2 position sa individual title patungo sa huling tatlong stage ng 2017 LBC Ronda Pilipinas.

Nangunguna si Morales, 31, tangan ang kabuuang tyempo na 37 oras, 25 minuto at 56 segundo, habang nakabuntot si Roque, 25, may dalawang minuto ang layo sa lider (37:28:11).

Kung mananatili ang kanilang diskarte at bantayan ang nais sumingit sa paglarga ng 40-km Stage 12 Individual Time Trial sa Guimaras sa Marso 2, sigurado na ang P1 milyon sa kampo ng Navy.

"Nagkasundo na kami, kung sino ang nasa unahan sa pagtatapos ng Stage 12, babantayan na ito hanggang sa dulo,” pahayag ni Morales, nagtatangka para sa back-to-back title.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

"Kung papalarin na ako pa rin ang lider mas maganda, pero kung sinoman sa teammate ko okey basta hindi kami masingitan,” aniya.

Hindi na rin masyadong iniisip ni Roque ang titulo dahil para sa kanya katuparan nang pangarap ang malagpasan ang ikasiyam na puwestong tinapos niya rito may anim na taon na ang nakalilipas.

"It's my dream to win Ronda Pilipinas but being second isn't that bad," sambit ni Roque, pambato ng Tipo, Bataan.

Nakahirit si Roque sa Calamba-Antipolo Stage 11 nitong Martes para matapyas ang bentahe ni Morales. Tangan ni Roque, nagwagi sa Stage One Vigan, Ilocos Sur, ang liderato sa unang pitong stage bago tuluyang naagaw ni Morales sa Stage Eight.

Nakatuon ang pansin ni Roque kay No. 3 Cris Joven ng Kinetix Lab-Army, na nakabantay sa tyempong 37:37:03.

Tumalon naman sa No.4 mula sa No.6 si Go for Gold's Bryant Sepnio (37:41:33), habang nakuha ni Lionel Dimaano ng RC Cola-NCR ang No.5 mula sa No.8 (37:46:05).

Itinataguyod ang Ronda ng presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.