Tiniyak kahapon ng liderato ng Kamara na magkakaroon ng kinakailangang safeguards upang matiyak na walang inosenteng mabibitay kapag naisabatas ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.

Sinabi ni Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na isisingit nila ang mga safeguard sa kanilang mga pagbabago sa House Bill 4727, na pinagdedebatehan pa ngayon sa Mababang Kapulungan.

Kabilang sa dito ang pag-obliga sa Public Attorney’s Office (PAO) at Office of the Solicitor General (OSG) na magtalaga ng senior lawyers na hahawak sa automatic review sa mga kaso ng death penalty at isasama ang religious, civil society at human rights groups sa pagsusubaybay sa mga kaso ng death penalty.

“Hindi pwedeng junior lawyers lang, kelangan mag-assign ng senior lawyers,” ani Fariñas.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Isusulong din niya na atasan ang piskalya na magbigay ng mga impormasyon sa mga pagkakasalang ituturing na heinous crime sa human rights, lahat ng religious at civil organisations, sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) at ang Free Legal Assistance Group (FLAG) upang tulungan ang akusado sa pag-monitor sa kaso.

“After all this is a community effort. If you feel that we have an interfaith judicial system, let’s do our share by monitoring the judicial system, mga madre, pari na very strong ang kanilang advocacy then they will go there para mase-safeguard ang rights of the accused,” ani Fariñas.

Pagbobotohan ng Kamara ang death penalty sa Pebrero 28, aniya pa.

Nauna rito, nagpasya ang liderato ng Kamara na gawing apat na lamang mula sa 21 ang mga krimen na parurusahan ng bitay. Ang mga ito ay rape, plunder, treason at illegal drugs.

‘NO TO DEATH PENALTY’

Nagkakaisa ang mga relihiyosong grupo sa paglaban sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa. Naninindigan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines, Philippine Council of Evangelical Churches at National Council of Churches in the Philippines laban sa panukalang batas.

Iginiit ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Public Affairs Committee, ang paninindigan ng Simbahang Katoliko na ‘no to death penalty’ sa lahat ng mga krimen.

Sinabi ng PCEC na sagrado ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos. “Only God has the prerogative to take away the life of a human being,” ani Bishop Noel Pantoja, PCEC national director.