May imbitasyon man o wala, dadalo si Vice President Leni Robredo sa isa sa events bukas para sa paggunita sa ika-31 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Sabado.
Sa kabilang banda, wala pa ring kumpirmasyon kung dadalo o hindi si Pangulong Rodrigo Duterte sa EDSA commemorative program na ini-release ng Malacañang.
Sinabi ni Robredo na hindi pa siya nakakapagdesisyon kung aling People Power anniversary celebration ang kanyang dadaluhan pero inihayag niya ang kanyang mithiin na magkaisa ang organizers sa iisang okasyon na gugunita sa makasaysayang rebolusyon.
Sa ilalim ng programang ini-release ng Malacañang, ang People Power Commission chairman at Executive Secretary na si Salvador Medialdea, at hindi si President Duterte, ang magiging guest of honor sa selebrasyon.
Kumpara sa anniversary programs noong nakaraang 30 taon, ang pagdiriwang bukas ay isasagawa sa Camp Aguinaldo, sa halip na sa People Power Monument sa EDSA na pinagdarausan nito.
Sa isang chance interview ng Lower House reporters kahapon, inamin ni Robredo na hindi siya nakatanggap ng imbitasyon para sa anumang EDSA People Power events bukas.
“Wala pa rin akong alam na any of the plans on the 25th. Ang alam ko lang maraming actions ng iba’t ibang grupo,” sabi niya. “I want to attend. Actually I asked my staff what these celebrations are, I want to attend one of those.”
(Ben R. Rosario)