GENERAL SANTOS CITY – Ipinag-utos ng isang korte sa Davao City ang pagdakip sa alkalde ng Sarangani na itinuturong utak sa pagpatay kay Maitum Mayor George Perrett noong 2014.
Naglabas si Regional Trial Court Judge Rose Jaugan, ng Branch 14, Davao City, ng arrest warrant laban kay Maitum Mayor Alexander Bryan Reganit makaraang matukoy ng prosekusyon na may probable cause upang kasuhan ito sa pamamaslang kay Perrett noong Pebrero 28, 2014.
Pinagbabaril si Perret, 75, ng mga hindi nakilalang armado habang minamaneho ang kanyang Toyota SUV sa Barangay Kalaong sa Maitum noong gabi ng Pebrero 28, 2014.
Inaresto ng mga pulis si Reganit, na noon ay provincial board member, matapos na salakayin ang kanyang bahay sa Maitum noong Abril 2014.
Kaalyado sa pulitika ni Senator Manny Pacquiao, nasamsam kay Reganit ang ilang baril ngunit pinalaya rin kalaunan matapos maglagak ng P200,000 piyansa.
Kinasuhan din ng pulisya ang mga umano’y kasabwat ni Regani na sina Ismael Dimaudtang, chairman ng Bgy. Kiayap, Maitum; Mohalidin Pinto; Mike Kamid; Bashir Sanday; at Suharto Abubakar, na nagturo kay Reganit bilang utak sa pagpatay kay Perrett. (Joseph Jubelag)