PATULOY na aayusin at pagagandahin ang Pagudpud sa Ilocos Norte upang mas mapaganda pa bilang paboritong tourist destination kaysa kasalukuyan, ayon sa Department of Tourism.

Nangako si Tourism Undersecretary for Media Affairs Kat De Castro na makikipagtrabaho ang kagawaran sa mga local government unit para masuri ang kasalukuyang mga konstruksiyon sa Pagudpud at mapangasiwaan ang mabilis na pag-unlad nito.

Nagtalumpati sa isang hotel inauguration sa Balaoi, na dalawang oras ang biyahe mula sa Laoag, napansin ni De Castro ang mabilis na progreso ng Pagudpud.

Inihayag ni De Castro na dapat tukuyin kung paano mababawasan ang pagsisikip sa isla, gaya ng nangyayari sa Boracay at Puerto Galera.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Binigyang-diin niya ang tagubilin ni Tourism Secretary Wanda Teo na mapalawak ang masiglang turismo sa buong Pilipinas.

“We are a country of 7,107 islands. It is about time we explore other undiscovered and uncharted destinations as well. It is about time they get the rightful attention and opportunity,” saad ni Teo sa isang pahayag.

Aniya, mahalagang magkaroon ng balanse sa pagsusulong sa Pilipinas bilang isang destinasyon at pangangalaga rito bilang likas na yaman para sa susunod na mga henerasyon.

“Sustainability remains a key principle. That is to say, the demand is only as good as the product,” dagdag niya.

Makikita mula sa datos mula sa Department of Tourism-Region 1 na dinagsa ang rehiyon ng Ilocos na tinatayang 1.7 milyong dayuhang turista noong nakaraang taon, 12 porsiyentong mas mataas sa bilang ng mga bumisita roon noong 2015.

Noong Disyembre 2016, halos 1,000 ang naitalang air arrival sa Laoag, na 0.17 porsiyento ng kabuuang air arrivals sa bansa sa nasabing buwan.

Sinabi ng Department of Tourism na inaasahan nila na dodoble ang paglago sa Ilocos sa pagtatapos ng taon dahil magsisimula nang dumating ang mga chartered flight mula sa China sa huling bahagi ng taon.

Naging kinatawan ng kalihim ng DoT si De Castro, na dumating sa Laoag noong Sabado kasama ang mga bisitang kinabibilangan nina 2016 Miss International Kylie Versoza, 2016 Miss Earth Katherine Espin, at 2013 Miss World Megan Young, sa pasinaya at sa pagbasbas ng bagong premium suite wing ng Hannah Resort. (PNA)