OBANDO, Bulacan – Arestado ang isang 41-anyos na lalaki sa umano’y paulit-ulit na panghahalay sa kanyang 19-anyos na anak na babae sa Barangay Panghulo sa Obando, Bulacan.
Sa kanyang report kay Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., acting Bulacan Police Provincial Office director, sinabi ni Chief Insp. Arnulfo S. Tangol, acting chief ng Obando Police, na dinakip ang suspek na truck driver at residente ng Bgy. Panghulo makaraang magsumbong ang biktima sa isang kaanak.
Batay sa imbestigasyon, pasado hatinggabi nitong Pebrero 20 at matutulog na ang biktima nang huli siya umanong gahasain ng ama.
Sa panayam sa biktima, sinabi niyang 13-anyos pa lamang siya nang sinimulan siyang halayin ng kanyang ama sa kanilang lalawigan sa Quezon. (Freddie C. Velez)