Hindi nababahala si Pangulong Duterte sa malawakang kilos-protesta na pinaplano ng iba’t ibang grupo na bumabatikos sa kanyang administrasyon.

“The President is aware of this. At noong sinabi ko sa kanya (ang tungkol sa mga protesta), sabi niya, ‘Trabaho lang tayo’,” sabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa isang panayam ng radyo.

“Hindi naman tayo nababahala, but of course it’s the speculation na magkaroon ng parang mala-Erap style na pagpatanggal sa gobyerno,” ani Andanar. “Ang sa akin lang dito is that the government is watching, we know what is happening.”

Tinaguriang “Power of We”, plano ng koalisyon ng mga cause-oriented group na magsagawa ng mga kilos-protesta kaugnay ng paggunita sa ika-31 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Sabado, Pebrero 25, laban sa mga pagpatay kaugnay ng drug war ng pamahalaan.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Kahapon, inilunsad na sa People Power Monument sa EDSA, Quezon City ang simbolikong protesta ng grupong Block Marcos, at ibinandera roon ang mga banner na “Hukayin!” at “Harangin ang diktaturya, baguhin ang sistema”.

Ipinoprotesta ng grupo ang paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, at papanagutin dito si Pangulong Duterte.

Kasabay nito, nagpahayag naman ng kumpiyansa ang Malacañang na mabibigo ang sinumang magtatangkang pabagsakin ang administrasyong Duterte.

Una nang sinabi ni Andanar na ang pagbuhay ni Senator Antonio Trillanes IV sa usapin sa bank account ng Presidente at ang pagbawi ni retired SPO3 Arturo Lascañas sa mga pahayag nito tungkol sa Davao Death Squad ay bahagi ng plano para sa malawakang kilos-protesta ngayong weekend laban sa Pangulo.

Una nang itinanggi ng militar na may may namumuong destabilization plot laban kay Pangulong Duterte.

(Beth Camia at Genalyn Kabiling)