ANG pagkakaroon ng mga mamamahayag na malayang magsiyasat at batikusin ang gobyerno ay lubhang mahalaga para sa isang bansa na nagsusulong ng pagsasarili, sinabi ni Thomas Jefferson, isa sa mga ama na tagapagtatag ng United States, noong 1787. “Were it left to me to decide whether we should have a government without newspapers or newspapers without government, I should not hesitate a moment to prefer the latter.”
Ito marahil ang pumasok sa isipan ng maraming Amerikano makaraang akusahan ni US President Donald Trump ang mga mamamahayag ng Amerika ng paglalabas ng “fake news” sa kaso ng katatalaga niyang national security adviser na si Michael Flynn, na nagbitiw sa tungkulin sa kainitan ng kontrobersiya tungkol sa mga nakaraang pakikipag-usap nito sa ambassador ng Russia. “Russia is fake news,” sabi ni Trump. “This is fake news put out by the media.”
Ito ang ikalawang beses na inakusahan ni Trump ang mga mamamahayag sa paglalabas ng “fake news.” Ang unang pagkakataon ay sa kanyang inagurasyon, nang ilathala ng media ang mga litrato ng mga taong dumalo sa seremonya bilang pagkukumpara sa kuha sa mas maraming tao na dumalo sa sa inagurasyon ni dating Pangulong Barack Obama noong 2009.
Tinuligsa si President Trump ng sarili niyang mga kapartido sa Republican Party. Nagsalita nitong Biyernes si Sen. John McCain sa Munich, Germany, at sinabing ang administrasyon ni Trump ay nasa “disarray” sa pagbibitiw ng security adviser nitong si Flynn. “The president, I think, makes statements and on other occasions contradicts himself,” komento ni McCain.
Sa kanyang pakikipag-away sa mga mamamahayag sa Amerika, madalas na mag-tweet si Trump ng kanyang mga komento, na madalas niyang ginagawa noong nangangampanya pa siya sa pagkapangulo. Patuloy siyang nagti-tweet ng kanyang mga komento kahit na noong mahalal na siya.
Patuloy na iniuulat ng mga mamamahayag ang mga balita gaya ng dati, kabilang ang sariling press conference ni President Trump kamakailan. Ilang news commentator sa telebisyon at kolumnista sa pahayagan ang nagsimula nang bumatikos kay Trump, ngunit sa pangkalahatan ay tumutupad pa rin sa araw-araw na coverage sa White House at sa iba pang ahensiya ng gobyerno.
Sa maraming bansa, maaaring hindi matagalan ng mga mamamahayag ang mga pag-atake mula sa isang presidente o prime minister, gaya ng ginawa ni President Trump. Subalit ang mga mamamahayag sa Amerika ay protektado ng Amendment 1 ng US Constitution: “Congress shall make no law respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof; or abridging the freedom of speech, or of the press; of the right of the people peaceably to assemble and to petition government for a redress of grievances.”
Binigyang-diin din ang kaparehong kalayaan sa pamamahayag sa sarili nating Philippine Constitution: “No law shall be passed abridging the freedom of speech, or expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assembly and petition the government for redress of grievances.”
Nasa isang sitwasyon ng kumprontasyon ang mga mamamahayag sa Amerika kay President Trump, ngunit may mga kasabihan si Thomas Jefferson na mahalagang alahahanin, at may Konstitusyong nagbibigay ng proteksiyon. Sa sarili nating pagbabalita tungkol sa ating gobyerno at sa mga opisyal nito, masuwerte tayong ang sarili nating mga mamamahayag sa Pilipinas ay napoprotektahan ng ating Konstitusyon.