BUTUAN CITY – Sinabi kahapon ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 36 na gusali sa mga paaralang elementarya at sekundarya ang hindi na ligtas gamitin, habang 42 iba pang school building ang kailangan nang palitan, makaraang mapinsala ng lindol nitong Pebrero 10.
Sa Executive Summary Damaged Assessment Report nito na nakuha kahapon ng Balita, sinabi ng DPWH na may apat na school building ang nangangailangan ng pangkalahatang pagkukumpuni at 23 iba pang school building ang kailangan nang palitan sa Surigao City.
Sa Surigao del Norte, may 32 gusaling pampaaralan ang nangangailangan ng major repair habang 19 ang kailangang palitan.
Walong iba pang school building sa Surigao City at pitong iba pa sa apat na bayan sa Surigao del Norte, partikular sa San Francisco, ang sumasailalim pa sa assessment at validation ng mga structural engineer ng Philippine Institute and Civil Engineers, mga volunteer mula sa Association of Structural Engineers of the Philippines (ASEP) at mga inhinyero ng DPWH mula sa Regions VI, VII, X, XI at XIII.
Napinsala sa 6.7 magnitude na lindol nitong Pebrero 10, umaabot sa mahigit P58.150 milyon ang halaga ng pinsala sa mga gusaling pampaaralan sa lalawigan. (Mike U. Crismundo)