NAGSIMULA nang magsanay ang aircraft carrier strike group ng Amerika sa South China Sea, isang direktang paghamon sa iginigiit ng China na soberanya nito sa karagatang nasa pagitan ng Pilipinas at ng mga karatig at kapwa bansa sa Timog-Silangang Asya na Vietnam, Thailand, Malaysia, Indonesia, at Brunei.
Inihayag ng US Navy na nagtapos na ang ilang linggong pagsasanay ng hukbong pandagat ng Amerika, sa pangunguna ng Nimitz-class carrier na USS Carl Vinson, sa Pasipiko kung saan pinaghusay ng mga puwersa ang kanilang mga epektibong kakayahan at kahandaan. “We are now looking forward to demonstrating those capabilities while building upon existing strong relationships with our allies, partners, and friends in the Indo-Asia-Pacific region,” sinabi ng strike group commander na si Rear Admiral James Kilby.
Tinapos na ng China ang sarili nitong naval exercises sa South China Sea nitong Biyernes gamit ang aircraft carrier nitong Liaoning, na nagdulot ng labis na pangamba sa mga bansang nakapaligid sa South China Sea, na halos kabuuan ang inaangkin ng China. Ang pagsali ng US strike sa lugar ay tiyak nang ituturing ng China bilang isang paghamon sa pag-angkin nito ng soberanya.
Hindi kinikilala ng Amerika ang pag-angkin ng teritoryo ng China. Ilang beses nang lumipad ang mga eroplano nito at naglayag ang mga barko sa South China Sea, dumaan malapit sa ilang maliliit na isla kung saan nagpatayo ng mga runway at mga military outpost ang China. Nababahala ngayon ang Pilipinas sa posibilidad na naghahanda ang China sa pagtatayo ng isang outpost sa mismong Scarborough Shoal, na tinatawag nating Panatag o Bajo de Masinloc, nasa 150 milya lamang ang layo mula sa baybayin ng Zambales kaya malinaw na saklaw ng ating 200-milyang Exclusive Economic Zone. Kapag nangyari ito, wala sa posisyon ang Pilipinas upang kuwestiyunin ang China.
Ngunit malinaw na determinado ang US Navy na ipursige ang karapatan nito sa malayang paglalayag sa South China Sea, kung saan libu-libong barko ang dumadaan bitbit ang nasa $5-trillion kalakal kada taon. Nagsimula nang maglakbay ang US aircraft carrier na Vinson, kasama ang mga nakasuportang barko at eroplano nito, patungo sa karagatan nitong Sabado.
Soberanya laban sa malayang paglalayag. Ito ang dalawang dahilan na magtatagisan sa usapin ng South China Sea. May sarili ring inaangking teritoryo at interes ang Pilipinas sa lugar, partikular na sa Scarborough at sa mga grupo ng isla ng Kalayaan sa kanluran ng Palawan, ngunit umaasa tayong ang pagpasok ng hukbong pandagat ng Amerika sa pinag-aagawang dagat ay hindi magbubunsod ng anumang alitan o hindi pagkakaunawaan na makaaapekto sa atin at sa mga kalapit-bansa natin sa Timog-Silangang Asya.