ANG matigas na paninindigan laban sa droga at kriminalidad ang malaking dahilan sa pagtatagumpay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa halalan noong Mayo 2016. Ipinangako niya na ang kapayapaan at kaayusan ang magiging sentro ng kanyang administrasyon. Sinang-ayunan ito ng 16 milyong botante.
Malaki ang ginagampanang papel ng Philippine National Police (PNP) upang matupad ang ipinangako ng Pangulo. Ayon sa Republic Act No. 6975, isang polisiya ng estado na itaguyod ang kapayapaan at kaayusan at tiyakin ang kaligtasan ng publiko. Dapat gamitin dito ang pulisya na may sapat na kagamitan at kasanayan.
Kritikal ang ginagampanang papel ng pulisya upang matiyak na ang mga mamamayan ay ligtas sa kanilang komunidad. Sila ang nasa gitna ng pagpapatupad ng batas kaya malaking problema kung ang mga pulis mismo ang lumalabag sa batas.
Marami na tayong narinig na kuwento tungkol sa mga pulis na nangingikil sa mga jeepney driver o sa mga pulis na krimeng “kidnap-for-ransom”. Sa matagal na panahon, naging suliranin ng PNP ang disiplina at propesyonalismo.
Kamakailan, muling nasangkot ang pulisya sa ilang kaso. Kabilang dito ang kakila-kilabot na pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick-Joo sa loob mismo ng PNP headquarters at ang pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa sa loob ng kulungan sa Baybay, Leyte.
Sa mga nagdaang araw, inulan ng batikos si Philippine National Police (PNP) Chief Ronaldo “Bato” Dela Rosa. Si House Speaker Pantaleon Alvarez mismo ay nanawagan ng kanyang pagbibitiw. Ang ilan namang miyembro ng Konggreso at mga personalidad sa media ay nanawagan sa Pangulo na sibakin ang heneral.
Sa aking pananaw, ipinakita ng Pangulo ang ‘di pangkaraniwang liderato nang ipasya niyang panatilihin sa puwesto si General Dela Rosa, sa kabila ng panawagan ng publiko.
Ayon sa kanyang mga kritiko, nabigo si General Dela Rosa na disiplinahin ang kanyang mga tauhan kaya dumami ang mga krimen na sangkot ang mga pulis. Ang iba naman ay pinupuna ang hilig ni Gen. Bato na pagdalo sa mga konsiyerto.
Sinasabi naman ng iba na para siyang payaso kung kumilos.
Naniniwala ako na dapat tingnan mula sa malawak na perspektibo ang isyung ito sa halip na sa makitid at may kinikilingang lente.
Mahalaga para kay Pangulong Duterte ang pagrereporma sa PNP, at ipinakita niya na sinsero siya na matupad ito.
Nangako siya ng mas mahusay na kagamitan para sa mga pulis, at itinaas niya ang kanilang suweldo.
Ang pagbabago sa PNP upang maging propesyonal at epektibong grupo para sa kapayapaan at kaayusan ay mangangailangan ng panahon. Ito ay isang problemang minana ni... Pangulong Duterte. Naniniwala ako na siya at si General Dela Rosa, bilang pinuno ng PNP, ang tamang mga tao para sa trabahong ito. Bigyan natin sila ng panahon at suporta.
Naniniwala ako na walang nag-aalinlangan sa katapatan ng pinuno ng PNP. Maraming ulit na lumuha siya sa publiko dahil sa masamang gawain ng ilang naka-uniporme. Nakikita natin kung paano siya nasasaktan dahil sa ilang tiwaling pulis na dumudungis sa magandang trabaho ng kababaihan at kalalakihan sa PNP.
Tiwala ako sa liderato ni Pangulong Duterte sa pagrereporma sa pambansang pulisya. Sa kabila ng mga tiwaling miyembro ng PNP, nararapat pa rin itong igalang at suportahan ng publiko.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)