Isang miyembro ng New People’s Army (NPA) na umaming hirap na hirap nang mamuhay sa kabundukan ang sumuko sa mga awtoridad sa Compostela Valley nitong weekend.

Batay sa mga report sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, kinilala ang sumukong rebelde na si alyas “Mar”, 22, squad leader ng NPA Pulang Bagani Company 8, at taga-Agusan Del Sur.

Ayon sa mga ulat, humingi ng tulong si Mar sa pamahalaang bayan ng Monkayo upang isuko ang sarili sa 25th Infantry Battalion at sa Monkayo Municipal Police nitong Pebrero 18.

Sa tulong ni Monkayo Mayor Ramil Gentugaya, kusang isinuko ng rebelde nang sarili dahil na rin sa pagdurusang dinaranas sa bundok at sa matinding pangamba sa sariling kaligtasan bunsod na rin ng walang tigil na opensiba ng militar laban sa NPA.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, mas ligtas ang pakiramdam niya sa kustodiya ng militar.

“Napatunayan kong mali ang sinasabi sa amin ng mga NPA, dahil naging maayos ang trato sa ‘kin ng mga sundalo,” sabi ni Mar.

Dagdag pa niya, marami sa kanyang mga kasamahan ang pareho niya ang himutok at pinag-iisipan na rin ng mga itong sumuko sa gobyerno.

Sumasailalim siya ngayon sa custodial debriefing at validation para mai-enrol sa Comprehensive Local Integration Program (CLIP) para sa mga rebel returnee. (Francis T. Wakefield)