MAHALAGA ang buhay ng isang tao. Isipin na lang natin na sa milyun-milyong semilya ng lalaki na lumalangoy para makatagpo ng ovum o itlog ng babae, tanging isa lang nagkapalad na matamo ito.

Bilang pagpapahalaga sa buhay na kaloob ng Diyos, may 10,000 katao ang lumahok sa prayer rally noong Sabado na tinatawag na “Walk for Life” para tutulan ang panukalang ibalik ang death penalty at ang pag-iral ng extrajudicial killings (EJKs) na iniuugnay sa drug war ng Duterte administration.

Ang prayer rally na protesta sa restorasyon ng parusang kamatayan at walang habas na pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users ay may basbas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). Nagsimula ang pagtitipon ng mga raliyista bandang 4:00 ng madaling araw sa Quirino Grandstand, Rizal Park at biglang dumami ang mga tao dakong 8:00 ng umaga na nangakasuot ng puting t-shirt at may dalang mga placard.

Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, nagulat sila sa dami ng lumahok mula sa 15 dioceses sa buong bansa. Hindi sila pinilit o hinakot. Nangangahulugan ito, ayon kay Pabillo, na naninindigan ang mga Pilipino na minamahalaga nila ang buhay at tutol sila sa death penalty at EJK o walang patumanggang pagbaril at pagpatay sa pushers at users nang walang due process, tulad ng ibinibigay ng PNP sa mayayamang drug suspects.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dumalo si President Rodrigo Duterte sa alumni homecoming ng Philippine Military Academy (PMA). Umapela si Mano Digong sa mga PMA alumni na tulungan siya sa pagtatayo ng isang bansa para sa mga Pinoy at hubugin ang mga mamamayan para sa bayan. “Let us together build a nation worthy of the Filipinos, Filipinos worthy of their nation, Pilipinong nararapat sa Pilipinas, Pilipinas na nararapat sa Pilipino,” pahayag niya sa PMA homecoming sa Fort General Gregorio del Pilar sa Baguio City noong Sabado.

Siyanga pala, mismong si Pangulong Duterte ang nagsabing hinahangaan siya ng mga Russian dahil siya lang ang pangulo na tumindig at nagmura sa isang nakaupong presidente ng US noon. Ito umano ang impresyon na nakuha niya mula sa mga bumisitang delegasyon ng Russian Federation na nagtungo sa Davao City. Ang delegasyon ay pinangunahan ni National Security Council Secretary Nikolav Patrushev na ang layunin ay isapinal ang kooperasyon ng Pilipinas at ng Russia.

... Si Mano Digong ay nakatakdang magtungo sa Russia sa Mayo. “The Russians said that I’m the only one who said something about the president of America and the American policy,” sabi ng Pangulo.

Abangan na lang natin kung ang pakikipagmabutihan ni Pres. Rody sa Russia ay makabubuti sa bansa. Hintayin din natin kung ang pakikipagkaibigan niya sa China na hanggang ngayon ay umuukopa sa ating mga reef, ay para sa kabutihan, kagalingan at interes ng Pilipinas. (Bert de Guzman)