NAGLAAN ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Autonomous Region in Muslim Mindanao ng P3 milyon para magtayo ng community fish landing center sa Tawi-Tawi.
Inihayag ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Autonomous Region in Muslim Mindanao Director Janice Desamito-Musali na nakatakdang simulan ang konstruksiyon ng proyekto sa ikalawang quarter ng taon.
Itatayo ang fish landing center sa tabi ng wet market section ng pampublikong pamilihan sa munisipalidad ng Bongao, ang kabisera ng Tawi-Tawi.
Sinabi ni Musali na kapag natapos na ang fish landing center ng komunidad, makatutulong ito upang mapalakas ang kabuhayan ng mga mangingisda sa probinsiya.
Ang pangingisda ang isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan ng mamamayan ng Tawi-Tawi, na may saganang pangisdaan.
Inihayag ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol sa kanyang pagbisita sa Tawi-Tawi kamakailan na naglaan na ang kagawaran ng pondo para magpatayo ng ice plant bilang suporta sa fishing landing center.
Dagdag pa ni Piñol, pagsasama-samahin niya ang mga mangingisda ng Tawi-Tawi para magtatag ng isang kooperatiba na mangangasiwa sa ice plant.
Sinabi pa ng kalihim na maaaring mapagana ang ice plant ng Hybrid Energy Renewable System na may diesel generator bilang back-up matapos niyang makumpirma na mahina ang supply ng kuryente sa probinsiya.
Ang Hybrid Energy Renewable System ang stand-alone power system na nagbibigay ng elektrisidad sa malalayo o liblib na lugar. (PNA)