KALUNUS-LUNOS ang naging pagkamatay ng 13 estudyante pati na ng drayber ng tourist bus na kanilang sinasakyan dahil halos magkalasug-lasog ang kanilang mga katawan sa lakas ng kanilang pagkakabangga sa isang poste ng kuryente matapos umanong mawalan ng preno sa padausdos at palikong bahagi ng national road sa Barangay Sampaloc, Tanay, Rizal nitong Lunes ng umaga.
Ang bus ay pag-aari ng Panda Coach Tours at kinalululanan ng 57 pasahero at ilang guro ng Bestlink College of the Philippines (BCP), at kasama ito sa isang convoy na binubuo ng 9 na sasakyang patungo sa Sacramento Adventure Camp sa Tanay para sa isang “Educational Field Trip” na bahagi ng tinatawag na National Service Training Program (NSTP) para sa mga mag-aaral magsisipagtapos daw ngayong 2017.
Ayon sa inisyal na pag-iimbestiga ng mga pulis sa Tanay, napakabilis ng dating ng bus sa pababang kurbada, ‘di kalayuan sa lugar na kung tawagin ay Magnetic Hill, at sa tingin nila ay kusang ibinangga ng drayber sa poste ang bus nang maramdaman nitong wala na pa lang brake ang kanyang minamanehong bus.
Maraming nakikiramay sa pamilya ng mga biktima sa trahedyang ito – ngunit mas nakararami ang nagngingitngit, tumatangis at iisa lang ang kanilang isinisigaw – DAPAT MAY MANAGOT sa maaga at ‘di pa raw napapanahon na pagkawala at pagkasayang ng buhay ng mga estudyante.
Dapat lang naman talagang may managot at maparusahan sa trahedyang ito, kahit na nakasama pa sa bilang ng mga namatay ang drayber ng bus. ‘Di na maaari rito ang mga pakiusap at mga salitang – “walang may gusto sa nangyari at ‘di talaga mapipigil ang aksidente” at ang pamosong linya na “bigla kasing nawalan ng brake ang sasakyan.”
Kung nawalan man bigla ng brake ang bus ay siguradong may kapabayaan pa rin sa kamay ng mga may-ari o operator ng nadisgrasyang sasakyan, dahil sa ipinaarkila nila ito para sa “Educational Field Trip” ng mga mag-aaral ng BCP kahit na manapa’y hindi pa lubusang naiinspeksiyon ang bus kaya nagkawasak-wasak sa inabot na disgrasya. ... Napapanahon na upang pag-aralan ng mga awtoridad ang mga “field trip” sa mga paaralan, na sapilitang pinasasama ang mga estudyante, bilang bahagi raw ng kanilang asignatura. Karamihan sa mga mag-aaral na ito’y napipilitang lamang sumama upang maka-comply sa mga “requirement” para makapasa sa kanilang pag-aaral.
Ang mga magulang naman, kahit tutol sa mga ganitong “field trip” ay napapasubo sa dagdag gastos at napipilitang pang pumirma sa WAIVER na nagsasaad na walang pananagutan ang paaralan sakaling magkaroon ng ‘di inaasahang disgrasya – kagaya nga nitong sinapit ng mga graduating student ng BCP.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)