MATAGAL-TAGAL na ring gumaling si Boobay sa pagkakasakit at pagkaka-confine sa ospital kaya bumabalik na siya sa paggi-guest sa mga show sa GMA-7.
Laging napapaluha ang komedyante tuwing kinukumusta ng mga kakilala at laging sinasabi na utang niya ang buhay niya, una sa Diyos at pangalawa sa kanyang best friend na si Marian Rivera.
Kaya nakaka-touch nang makita at makausap namin si Boobay na kasama si Marian sa taping ng Dear Uge, lalo na’t napag-usapan ang tungkol sa pagkakasakit niya at special treatment na ginawa ni Marian sa kanya. Inilipat siya ni Marian sa mas mahusay na ospital at ipinagamot.
Muling napaiyak si Boobay at nagpasalamat sa kanyang ‘my labs.’
“Naku, hindi totoo iyan, wala kang utang na loob sa akin,” sagot ni Marian. “Si Lord ang nagbigay ng second life sa iyo at naging instrumento lamang ako. Basta magpapasalamat ka lamang lagi sa Kanya, nakaganti ka na sa mga taong tumulong sa iyo.”
Naikuwento ni Marian na kahit hindi siya nakilala ni Boobay nang dalawin niya ito sa hospital, hindi siya papayag na may mangyaring masama sa kaibigan. Ayon kay Marian, napakabait na kaibigan kasi ni Boobay, mabait na anak sa magulang at mabait din sa mga kapatid, kaya hindi niya ito puwedeng pabayaan.
Itinuturing na rin niya itong parang nakababatang kapatid (Boobay is 30 years old), kaya labis-labis ang kanilang pasasalamat sa Diyos nang gumaling ito.
“Kaya ngayon na magaling ka na, at puwede na muling magtrabaho, huwag mo nang abusuhin ang sarili mo tulad ng dati, na kung ilang shows ang ginagawa mo sa isang araw. Hinay-hinay lang, mas mahalaga ang lubusan mong paggaling,” ani Marian.
Madalas tuloy biruin si Boobay ngayon ng “kilala mo ba ako?” ng mga kaibigan. Nagpapasalamat naman siya dahil bumabalik na ang memories niya.
“Opo, at ang saya ko rito sa Dear Uge dahil ako ang donya rito at si Yan ang maid ko,” kuwento ni Boobay. “First time kong gaganap na donya pero ang biruan namin dito ni Yan off-camera, ‘mayaman ka nga pero mas maganda naman ako sa ‘yo.’ Ang saya ng taping namin dahil kay Ate Uge. At nakakatuwa kasi maaga kaming natapos ng taping, ang huhusay kasi lahat ang mga kasama namin dito.”
Mapapanood ang first anniversary presentation ng Dear Uge na sina Marian at Boobay ang bida sa Linggo, Pebero 26, pagkatapos ng Sunday Pinasaya sa GMA 7. (NORA CALDERON)