Nagpahayag kahapon ng pagkabahala ang foreign ministers ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa kanilang namamasdan at itinuturing na militarisasyon sa ilang lugar sa South China Sea (SCS).
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, binanggit din ng ASEAN foreign ministers ang pagkilala sa ruling ng Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 12, 2016 sa kanilang unang pulong sa ilalim ng Philippines’ Chairmanship of ASEAN ngayong taon, na isinagawa sa Boracay.
Sinabi ni Yasay sa isang press briefing pagkatapos ng ASEAN Foreign Ministers’ Retreat na mas determinado ngayon ang kanyang ASEAN counterparts na isulong at subukan ang pagsasapinal ng Code of Conduct (COC), marahil sa pamamagitan ng agarang pagbabalangkas nito at kalaunan ay ang mismo nang negosasyon hinggil sa COC.
Gayunman, binigyang-diin niya na nagkaisa na ang ASEAN foreign ministers na upang maging makahulugan at epektibo ang Conduct ay kailangan nitong mabigkis ang mga kinauukulan at masakop ang pinakamalalawak na lugar hanggang maaari kung paano mareresolba ang mga sigalot at irerespeto ang iba’t ibang partido.
“This was how they expressed themselves in today’s meeting,” sabi ni Yasay. “Whether or not China will be able to address these concerns along the lines of what has been expressed today is another situation that China will have to contend with.”
Nakumpirma sa mga imahen na kuha sa satellite na mayroong mga nakahandang sandata sa artificial islands na ginawa ng China sa South China Sea, sa kabila ng sinabi ng mga opisyal ng Beijing na hindi nito hinahangad ang militarisasyon sa rehiyon.
Ang iba pang mga bansang sangkot sa territorial dispute sa South China Sea ay ang Brunei, Taiwan, Malaysia, Indonesia at Vietnam. (Roy C. Mabasa)