Bumiyahe na kahapon patungong Basilan ang 53 sa 310 police “scalawags” na karamihan ay mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Pinangunahan ni NCRPO Regional Director Oscar Albayalde ang pagbibilang sa mga ipinatapong pulis at labis niyang ikinadismaya na 53 lang ang sumipot sa kampo.
Dahil dito, nakatakdang sampahan ng karagdagang kaso ang 217 pulis na hindi nag-report at lumabag sa utos ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Senior Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), ang hindi pagsunod ng mga pulis sa nasabing kautusan ang naging dahilan ng NCRPO upang simulang imbestigahan ang mga bumalewala sa Basilan deployment order.
“Based on the statement of the Regional Director NCRPO (Director Oscar Albayalde), additional cases will be filed to those who did not report today and they will face additional administrative charges,” ani Carlos.
“First, they will be marked AWOL (Absent Without Official Leave) before they would be charged for defiance of lawful order from the Commander-In-Chief,” dagdag niya.
Inilabas ang nasabing deployment order ilang araw matapos ipahiya ng ilang anti-narcotics operatives ang Pilipinas kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa isang Koreano.
Gayunman, sinabi ni Carlos na 40 sa mga pulis ay naka-excuse sa nabanggit pagpapatapon matapos aprubahan ng NCRPO ang kanilang apela na pansamantalang iantala ang pagpapatapon sa kanila dahil sa mga dadaluhang hearing sa korte.
Ngunit mabilis niyang pinabulaanan na walang nagaganap na padrino system sa pagpapatapon sa mga pasaway na pulis.
“There is no padrino system. There was a process conducted and the review on the cases of others are on-going,” diin ni Carlos.
