MUKHANG matatagalan pa bago makabalik sa France si Kim Kardashian–West.
Iniulat kamakailan ng People na may posibilidad na magtungo uli si Kim, 36, sa Paris sa unang pagkakataon simula nang pagnakawan siya noong Fashion Week, sa huling bahagi ng Pebrero sa pagrampa ng nakababatang kapatid na si Kendall Jenner at interesadong dumalo ang kanyang asawang si Kanye West.
Ngunit noong Biyernes, kinumpirma ng isang kinatawan ng Keeping Up With The Kardashians sa People na hindi babalik si Kim sa “City of Light” para sa week-long event.
“She wasn’t planning on attending,” saad ng kinatawan.
Limang buwan na ang nakalilipas simula nang pagnakawan si Kardashian noong Oktubre 3 nang isagawa ang fall Paris Fashion Week. Habang nag-iisa sa kanyang hotel, limang lalaking nakatakip ang mukha ang pumasok at itinali siya at tinutukan ng baril at ninakaw ang kanyang mga alahas na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar, kabilang ang singsing na nagkakahalaga ng $4 million.
Noong Enero 9, inaresto ang 17 katao sa France na inuugnay sa nakawan. Napalaya rin ang pito, at idinemanda ang apat ng French authority noong Enero 12. Inihabla naman ang natitirang anim na suspek noong Enero 13.
Kinumpirma ng maraming source sa People na lubhang naapektuhan at nagka-trauma si Kim sa insidente, kaya siya namahinga sa paglabas-labas sa publiko at sa social media sa loob ng tatlong buwan.
Bumalik sa spotlight si Kim at nagkaroon ng unang official music appearance simula nang pagnakawan noong Enero 13 sa Masterclass ng kanyang longtime makeup artist na si Mario Dedivanovi sa Dubai.
Nitong unang bahagi ng Pebrero, nakipagkita si Kim sa French authority sa New York City, at inilahad ang mga nangyari sa nakawan upang matukoy ang mga lalaking pumasok sa kanyang apartment.
“This morning, Kim had a meeting with the French judge handling her robbery case. Kim answered questions. She said it went fine,” saad ng source ng People. “She is just happy that she didn’t have to go to Paris.” (People.com)