INABANGAN ng madlang pipol ang sinasabing pagbubunyag ni Vice Ganda sa katauhan ng lalaking minahal niya sa kanyang Pusuan Mo Valentine concert sa Big Dome.
Bagamat hindi niya pinangalanan ang kanyang ex-boyfriend, nagkakaisa ang lahat na sa ibinigay niyang clue, ang PBA player na matagal nang nali-link sa kanya ang tinutukoy niya.
Sa pamamagitan ng spoken word poetry, ibinahagi niya ang naging relasyon nila na kinailangan nilang itago sa mundo dahil ayaw nilang mahusgahan at kailangan nilang alagaan ang kanya-kanyang propesyon.
Bago naglitanya si Vice, sinabi niya sa audience na, “Nahumaling ako sa panonood ng spoken word poetry kunsaan nagsasalita kang parang isang makata upang iparamdam ang saloobin.”
Isinumbong ni Vice Ganda sa concertgoers ang ex-boyfriend, na bahagyang nakilala dahil sa paglalarawan niya na basketball player nga ito.
“Sa bawat pelikula ko, sa bawat palabas ko, gusto sana natin magkasama tayong dalawa sa siksikan. Sa bawat laro mo, sa bawat three points mo, gusto ko sana nandu’n ako para mauna ako sa palakpakan at gusto ko isigaw na, ‘P_tang _na!
Jowa ko ‘yan!’ pero hindi natin magawa kasi natatakot tayo parehong na mapag-usapan.
“Pagkatapos ng tilian ng mga tao, pagkatapos ng tunog ng silbato, pagkatapos mong punasan at patuyuin lahat ng pawis mo bago ka umuwi ng bahay ninyo, ako pa rin ang tatawagan mo para tanungin kung napanood ko ‘yung crossover mo at ‘yun ang masarap, ‘yun ang masarap.
“‘Yun ang masarap, para akong baliw, para akong tanga. Makita ko pa nga lang ‘yung pangalan mo sa telepono, para na akong nasa ulap.”
Sinabi pa ng It’s Showtime host na ilang taon din silang naging magkarelasyon. Naging emosyonal si Vice nang sabihin niyang tapos na ang kanilang maliligayang araw.
Tila may kaugnayan ito sa ipinost ng naturang basketball player sa Instagram na engagement ring nito at ng gf na hindi na pinangalanan.
Patuloy pang litanya ni Vice, “Ilang taon din natin iyang tiniis, nagtatago na parang gago.
“Dapat sa babae ka lang dahil bakla lang ako, p_tang _nang mundo ‘to. Hanggang sa isang araw sa sobrang takot, nagkasundo tayo na huwag nang manlaban dahil pagod na tayo. Kaya nag-usap tayo na sumuko na lang...
“Hindi n’yo alam kung gaano kasakit. Hindi n’yo mauunawaan kung gaano kasakit. Kapag naalala ko para akong namamatay sa sakit... Ang sakit-sakit pero masarap dahil hanggang sa huling sandali, kahit masakit, tinawag mo akong Juliet.”
Pagkatapos niyang pakawalan ang hugot lines, nagtakip ng mukha Vice at saka umalis ng stage.
Sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News pagkatapos ng concert, tungkol sa kanyang spoken word performance, “It was just an act — one of the many acts I did a while ago,” aniya.
Me ganu’n! (ADOR SALUTA)