SA kainitan ng kontrobersiya sa panukalang dagdag P2,000 sa pensiyon ng mga miyembro ng Social Security System (SSS), bumuo ng kompromisong plano ang mga bagong opisyal ng SSS, sa pangunguna ni Chairman Dean Amado Valdez.
Ang karagdagang P2,000, ayon sa mga opisyal ng SSS, ay tiyak nang hindi posible sa kasalukuyan dahil—batay na rin sa katwiran ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III sa pagbasura niya sa panukala noong nakaraang taon—magkakaroon ito ng “dire financial consequences” sa ahensiya. Ang karagdagang P2,000, sinabi noon ni Aquino, ay makasasaid sa SSS Investment Reserve Fund pagsapit ng 2029.
Muling inihain ang panukala sa pensiyon sa bagong Kongreso ngunit inulit ng mga economic manager ni Pangulong Duterte ang pinangambahan ni Pangulong Aquino. Kaya naman nagsalita na ang SSS at sinabing posible nang maipatupad ngayon ang pagdadagdag ng P1,000. Ang P1,000 pa ay maaari namang ipagkaloob makalipas ang apat na taon kung pahihintulutan ang SSS na mamuhunan sa ibang larangan na inaasahang magpapabuti sa sitwasyong pinansiyal nito.
Noong nakaraang linggo, inilatag ng SSS ang panukala nito sa Kongreso—ang amyendahan ang charter nito upang mabigyang-daan ang pamumuhunan sa mga larangan na tiyak nitong pagkakakitaan. Sa ngayon, pinapahintulutan lamang ang SSS na mamuhunan sa mga karaniwan at mababa ang kitang sektor, tulad ng sa seguro, pabahay at real estate, mga short- at medium-term loan sa mga kasapi, mga government financial institution, mga imprastrukturang pampubliko, at sa foreign currency-denominated investments.
Iminumungkahi nito ngayon na pahintulutan itong mamuhunan sa mga proyektong tulad ng mga toll roads, utilities, at operasyon ng lotto. Kung lalaki ang kita sa pamumuhunan sa mga nabanggit na negosyo, sinabi ng SSS na magagawa na nitong ipagkaloob ang dagdag pang P1,000 sa mga retirado nito bago pa umabot ng apat na taon.
Marapat na kaagad na tugunan ng Kongreso ang kinakailangang batas na ipinanukala ng mga opisyal ng SSS. Lalo na dahil alinsunod sa Social Security Law, RA 8282, “the Government of the Republic of the Philippines accepts general responsibility for the solvency of the SSS.” Itinakda rin sa Kongreso ang taunang paglalaan ng pondo upang matiyak na mapapanatili ang sapat na pondo ng SSS.
Sinimulan na ng SSS na ipagkaloob ang P1,000 dagdag sa pensiyon, na malaking tulong sa mga retirado, lalo na sa mga kumukubra lamang ng P2,500 kada buwan. Maaaring sapat ang halagang ito noong unang panahon, ngunit dahil sa inflation ay tumaas na ang presyo ng mga bilihin at mga serbisyo. Sakali man na sa makalipas ang apat na taon ay maipagkaloob na ang P1,000 pang dagdag dahil sa pagpupursige sa pamumuhunan ng mga opisyal ng SSS, sa tulong ng Kongreso, tiyak na magiging lubos ang pasasalamat ng mga pensiyonado — kabilang ang maraming malapit na ring magsipagretiro — sa mga kasalukuyang opisyal ng SSS at sa mga kasapi ng Kongreso na nagtulung-tulong upang maisakatuparan ito.