200217_Lascanas Senate_1_ROMERO copy

Lumantad kahapon ang retiradong pulis-Davao na si SPO3 Arthur Lascañas upang kumpirmahin ang mga naunang testimonya ni Edgar Matobato tungkol sa Davao Death Squad (DDS), na iniuugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte noong alkalde pa ito ng Davao City.

Sa isang press conference sa Senado kahapon, sinabi ni Lascañas na binayaran sila ni Duterte, noong alkalde pa ito, ng hanggang P100,000 cash depende sa taong kanilang ililikida.

Si Lascañas ay iprinisinta ni Senator Antonio Trillanes 1V at nasa pangangalaga naman ng Free Legal Assistance Group (FLAG), na kinatawan ni Chairman Jose Manuel Diokno at ng mga kasamahan nitong sina Arnold Sanidad, at Alex Padilla, kapwa abogado.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Una nang itinanggi ni Lascañas na mayroong DDS nang humarap siya noong nakaraang taon sa Senate committee on justice and human rights, na pinamumunuan noon ni Sen. Leila de Lima.

PERJURY?

Dahil sa kanyang mga pahayag kahapon, hinimok ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Justice (DoJ) na kasuhan ng perjury si Lascañas dahil malinaw umanong nagsinungaling ang huli sa Senate justice committee.

“Totoo po ang existence ng Davao Death Squad o DDS. Siya (Matobato) ay miyembro namin at isa ako sa pasimuno rito.

Binabayaran kami ni Mayor Duterte, kadalasan P20,000 or P50,000, at depende sa status ng target. Minsan P100,000. Ako ay tumanggap ng allowance sa Office of the Mayor, P100,000,” sabi ni Lascañas.

“Ito po ang umpisa, sa lahat ng ginagawa naming pagpatay sa Davao City, ilibing man o itapon sa laot, ito po ay binabayaran kami ni Mayor Rody Duterte.”

PINATAY ANG SARILING MGA KAPATID

Ayon kay Lascañas, naging bulag siyang tagasunod ni Duterte sa kampanya nito laban sa droga, at katunayan naging instrumento pa siya sa pagpatay sa sarili niyang mga kapatid na sina Cecilio at Fernando.

“Isa ako sa instrument sa pagkamatay ng dalawa kong kapatid, si Cecilio at Fernando. Tanggap ko po kung ano man mangyari sa akin dahil sa sobra kong loyalty sa kanyang (Duterte) campaign. Panawagan ko sa mga kapatid sa kapulisan, hindi solusyon ang pagpatay. Mananagot tayo sa batas ng tao at sa batas ng Diyos” dagdag ni Lascañas.

Ibinunyag din ni Lascañas na pinamunuan din niya ang pagpatay sa radio broadcaster na si Jun Pala noong 2003, sinabing P3 milyon ang inialok sa kanya ni SPO4 Sonny Buenaventura para patayin ang mamamahayag na kritiko ni Duterte.

Sa utos din daw ni Duterte, sa pamamagitan ng isang Major Macasaet, na dinukot at minasaker ng DDS ang isang pamilya mula sa Cotabato na utak daw sa pagdukot sa isang Mrs. Abaca sa Davao City.

Sinabi naman ni Diokno na ilalabas nila sa tamang panahon at sa tamang ahensiyang magsasagawa ng imbestigasyon ang sinumpaang salaysay si Lascañas.

Kaugnay nito, sinabi ni Trillanes na hihilingin niya kay Senator Richard Gordon, committee chairman, na magsagawa ng imbestigasyon makaraang absuweltuhin ng huli si Duterte sa usapin at ihayag na hindi totoong may DDS.

‘DEMOLITION JOB’

Tinawag naman ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na “demolition job” laban sa gobyerno ang mga alegasyon ni Lascañas, dahil naabsuwelto na ng Senado ang Pangulo sa usapin ng DDS.

“The demolition job against President Duterte continues. The press conference of self-confessed hitman SPO3 Arthur Lascanas is part of a protracted political drama aimed to destroy the President and to topple his administration,” sabi ni Andanar. “Our people are aware that this character assassination is nothing but vicious politics orchestrated by sectors affected by the reforms initiated by the Duterte administration.”

$1,000 SA DUMALO SA PRESSCON

Kinondena naman ng mga Senate reporter ang sinabi ni Andanar na tumanggap umano ng $1,000 ang mga mamamahayag na dumalo sa presscon ni Trillanes upang iprisinta ni Lascañas.

“We would like to ask the Secretary to prove his allegations as such statements placed our credibility and our respective media entities under a cloud of doubt. Otherwise, we demand a public apology from Secretary Andanar for spreading ‘fake news’, truly unbecoming of someone who, just a few months ago, came from the media industry,” saad sa joint statement ng Senate reporters.

Itinanggi rin ni Trillanes na nagbigay siya ng tig-$1,000 sa mga dumalo sa presscon, at binigyang-diin na mataas ang respeto niya sa Senate media. (LEONEL M. ABASOLA at GENALYN D. KABILING)