ISA sa anim na bayan ang Pililla sa silangang bahagi ng Rizal. Ang limang iba pang bayan ay ang Cardona, Morong, Baras, Tanay at Jalajala na pawang makahulugan ang kasaysayan ng pagkakatatag.

Ang nasabing anim na bayan ay bahagi ng ikalawang distrito ng Rizal. Sa dakong Hilaga ay hangganan ng Pililla ang Tanay. Sa Silangan ay ang Mabitac, Laguna; sa dakong Timog ay ang Jalajala na huling bayan sa eastern Rizal. Binubuo ng siyam na barangay ang Pillila na ang lima ay nasa kabayanan at ang apat naman ay nasa paanan ng bundok at tabi ng Laguna de Bay.

Sa Pililla matatagpuan ang National Power Corporation (NAPOCOR) na kilala sa tawag na Malaya Power Plant sapagkat nasa Barangay Malaya. Nagbibigay ng electric power sa mga bayan sa eastern Rizal at iba pang bayan sa Luzon. Sa Pililla rin makikita ang Pililla Wind Mill (Wind Farm) na nagbibigay din ng electric power sa Rizal. Mula nang maitayo noong 2015 at buksan noong Enero 2016, ang Pililla Wind Mill ay isa nang tourist destination sa Rizal, partikular sa bayan ng Pililla.

Ang pamahalaang bayan, sa pangunguna ni Pililla Mayor Dan Masinsin, ay naglunsad ng electrification program na naglalayon na magkaroon ng kuryente ang mga sitio sa barangay. Mapalitan ng liwanag ang madilim na gabi sa mga sitio at hindi na mangapa sa dilim ang mga naninirahan sa mga sitio. Guminhawa ang pagkilos ng mga mamamayan, magamit ang kuryente sa hanapbuhay.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Natupad ang inilunsad na electrification program sa Pilipinas sapagkat matapos ang pakikipag-ugnayan ni Mayor Dan Masinsin sa Meralco ay nagkaroon ng Memoramdum of Agreement (MoA) ang pamahalaang-bayan at ang Meralco.

Sinimulan ang electrification program sa Sitio Tabako at Sitio Lipat-Lipat na parehong sakop ng Barangay Hulo. May tatlong kilometro ang layo sa bayan ng nasabing dalawang Sitio. Mahigit 100 bahay ang nakabitan ng kuryente at nagliwanag. Makalipas ang ilang araw ay 100 bahay naman ang nakabitan ng kuryente at nagkailaw sa Barangay Bagumbayan. Natuwa ang mga pamilya sa pagkakaroon ng kuryente sa mga Sitio sa Barangay Hulo at Barangay Bagumbayan... dahil nakakanood na sila ng balita at telenobela sa telebisyon. Nakaririnig na rin ng balita at drama sa radyo.

Nakapananahi na rin ng damit sa gabi ang mga babae at ginang ng tahanan na pananahi ang hanapbuhay. May pamilyang bumili na ng refrigerator. Hindi na nila problema ang pagkasira ng mga binili nilang gulay, isda at karne at pagkapanis ng pagkain. May malamig na tubig na ring naiinom.

Sa pagkakaroon ng kuryente sa mga sitio ng mga Barangay sa Pililla, natupad ang slogan ng Meralco noon na “May Liwanag ang Buhay”. Dasal naman ng ibang gumagamit ng kuryente, huwag sanang tataasan lagi ng Meralco ang singil sa kuryente. (Clemen Bautista)