NANG ipahiwatig ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang kahandaan sa pagtanggap ng ating mga kababayang kabilang sa LGBT (lesbian, gay, bi-sexual and transgender) na nagnanais maging mga sundalo, pinatunayan lamang ng naturang organisasyong pangmilitar ang tunay na kahulugan ng diskriminasyon.

Nangangahulugan na ang sinumang may pinagdududahang kasarian – bakla, tomboy at iba pa – ay hindi dapat maging biktima ng pagtatangi; karapatan din naman nilang maging bahagi ng alinmang sektor ng lipunan.

Maliwanag na ipinahayag ng isang opisyal ng AFP, kung hindi ako nagkakamali, na ang naturang grupo ng ating mga kababayan ay karapat-dapat ding maging mga kawal ng ating bansa. Kailangan nga lamang na sila ay sumailalim sa matinding mga pagsasanay at tumugon sa lahat ng mga pangangailangan bago sila maging regular o lehitimong miyembro ng AFP. Kabilang dito ang pagpapamalas ng kilos-militar, wastong pagmamartsa at alistong paghawak ng baril.

Naniniwala ako na taglay ng nasabing grupo ng LGBT ang makabuluhang mga katangian ng isang tunay na sundalo. Maaaring mababakas pa rin ang nakagawian nilang mga kilos – pakending-kending na paglalakad, kakaibang pagsasalita at iba pa – subalit nakakintal sa kanilang utak ang tunay na pagkamakabayan at tapat na paglilingkod. Natitiyak ko na sila ay magiging bahagi ng serbisyong pangmilitar na mangangalaga sa kaligtasan ng bansa. Taliwas ito sa ilang kawal na hindi lamang pabigat at nagpapasama pa sa imahen ng AFP kundi may lihim na hangaring pagtaksilan ang ating mga kababayan at ang Republika.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Pinatutunayan ng mga obserbasyon na hindi lamang ang ating AFP ang mistulang nilusob ng kababaihan na may sinasabing may alanganing kasarian kundi maging ang Philippine National Police (PNP) at ibang organisasyong pangseguridad. Ang kanilang mga kilos na kasing-tikas na rin ng kalalakihan; gayundin ang kanilang matinding determinasyon bilang... mga sundalo.

Walang duda na ang kanilang mga kauri ay matatagpuan din sa iba pang sektor ng sambayanan – sa hanay ng mga guro, doktor, pulitiko at maging sa iba’t ibang ahensiyang pribado at sa gobyerno.

Hindi malayo na maging sa ating media sector ay may nasasali na rin na kahanay ng LGBT. Sa pangkalahatan, makatwiran lamang na sila ay maging bahagi ng ating lipunan na may pantay-pantay na karapatan sa batas at sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Napatunayan ito nang pinaslang ng isang dayuhan ang isang kauri ng LGBT; hindi lamang kinondena ang nasabing salarin kundi tiniyak pang mahatulan at makulong.

Dapat lamang na hindi maging bitkima ng diskriminasyon ang sinumang kauri ng nabanggit na grupo ng ating mga kababayan. (Celo Lagmay)