Pitong tripulante ng isang barkong Vietnamese ang tinangay ng mga hinihinalang pirata, habang isa pa ang nasawi sa pag-atake sa karagatang malapit sa Tawi-Tawi, nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat na ipinadala ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commander Armand Balilo, bandang 7:00 ng gabi nang atakehin ng mga armadong lalaki ang M/V Giang Hai, na may sakay na 25 tripulante, at naglalayag sa layong 17 nautical miles sa hilaga ng Pearl Bank.

Humingi naman ng saklolo ang Vietnamese Coast Guard sa PCG, na kaagad nagsagawa ng rescue operation.

Nabatid na mula sa Pearl Bank, napadpad ang sinalakay na barko sa Baguan Island sa Taganak.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sakay ang mga tauhan ng Philippine Marines at PCG, dalawang speedboat ang mabilis na idineploy ng Coast Guard Station sa Taganak.

Matapos ang maritime patrol, nailigtas ng mga Pilipinong operatiba ang 17 Vietnamese na sakay sa barko, pero isa sa mga dayuhan ang nasawi sa pag-atake.

Kasalukuyan namang inaalam ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung may kinalaman ang Abu Sayyaf Group o iba pang grupong terorista sa nasabing pag-atake. (Beth Camia)