Malubhang sugatan ang pitong magkakapitbahay makaraang hagisan ng granada ang bahay ng isang landlady sa San Andres Bukid, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang mga sugatan na sina Reyno Mijares, 63; Felix Cruz Jr., 65; Leonilda Cruz, 25; Romeo Pasica, 55; Jose Abelardo, III, 43; Meribeth Geronimo, 53; at Judilyn Samillano, 16, pawang taga-San Andres Bukid.

Inaresto naman ang suspek na si Darwin Hinog, 39, seaman, ng 732 Neptali Gonzales Street, Mandaluyong City.

Sa ulat ni Manila Police District (MPD)-Station 6 commander Police Supt. Jerry Corpuz, dakong 2:30 ng hapon nang dumating si Hinog sa lugar at bigla na lang hinagisan ng granada ang tahanan ni Sharon Trasmonte, may-ari ng boarding house na dating inuupahan ng suspek sa 2220 A Crisolita St.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Tumama umano sa gate ang granada at tumalbog sa kalsada at doon sumabog kaya nasugatan ang mga biktima.

Nabatid na Pebrero 2016 pa nagbanta si Hinog na pasasabugin niya ang tahanan ni Trasmonte dahil pinaalis siya nito sa inuupahang kuwarto noong 2015 nang malamang gumagamit siya ng ilegal na droga.

“Noong nalaman kong nagda-drugs naghanap ako ng paraan na makaalis... Matagal na nagme-message na siya sa akin sa messenger… at may mga mamamatay daw at pagbuburulan ng Pebrero 19…’di ko akalain na itotoo niya na maghagis siya ng granada,” ayon kay Trasmonte.

Si Hinog, na nakatakda na sanang sumampa sa barko, ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa PD 1866 o illegal possession of explosives, attempted murder, attempted homicide in relation to Republic Act 7610, serious physical injuries at malicious mischief. (Mary Ann Santiago)