Binuwag ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) ang isang bigating carnapping syndicate na bumiktima sa 1,800 may-ari ng sasakyan sa Metro Manila simula nang umpisahan ang kanilang operasyon noong 2007.
Ayon kay Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), ikinokonsidera niyang bigatin ang nasabing grupo na pinatatakbo nina Tychicus Nambio at Rafaela Anunciation sa posibilidad na milyun-milyon o bilyun-bilyong piso na ang kanilang kinita sa loob ng 10 taong operasyon.
“This is one syndicate which has already perfected the scheme. This is a big group that the money involved could reach a billion, or even P3 billion if we just multiply 1,800 cars at one million pesos each,” ani Dela Rosa.
Tinawag ang nasabing modus na “Rent-Sangla”, ipinaliwanag ni Dela Rosa na umuupa ng mga sasakyan ang mga miyembro ng sindikato at ito ay gagamitin nilang collateral kapag sila’y nag-loan sa iba’t ibang kumpanya.
Sinabi ni Dela Rosa na karaniwang target ng grupo ang mga pinakabagong model ng sports utility vehicle gaya ng kinumpirma sa operasyon ng HPG.
Idinadaan umano nito sa mabulaklak na salita upang maging epektibo sa pagkumbinse sa loan agencies gamit ang nirentahang sasakyan bilang collateral.
Sa ngayon, ayon kay HPG Director chief Supt. Antonio Gardiola, mahigit na sa 400 sasakyan ang kanilang narekober mula sa sindikato.
“We are looking for more because there are more or less 1,800 vehicles involved in this scheme,” ayon kay Gardiola.
(AARON RECUENCO at FER TABOY)