KAHIT paulit-ulit na ikaila ng mga namumuno sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI), ang namumuong alitan sa pagitan ng dalawang ahensiya ng pamahalaan kaugnay ng kaso ng Koreanong kinidnap at pinatay sa loob ng Camp Crame ay unti-unti na ring lumilitaw ang katotohanan na sa halip na magkatulong sila sa isang “joint investigation” ay nag-uunahan pa silang makakuha ng ebidensiya laban sa isa’t isa.
Sa katunayan pa nga, mismong ang Department of Justice (DoJ) ang nakapansin sa kalagayang ito sa pagitan ng dalawang ahensiya, nang kapwa humingi ng magkaibang petsa ng deadline ang PNP at NBI sa mga ihahain nilang karagdagang dokumento hinggil sa kaso ng pag-kidnap at pagpatay sa Koreanong si Jee Ick-joo, na pinaiimbestigahang muli ng korte sa Pampanga.
At dito na nga sa aking palagay mas lalong nakaiskor ang PNP sa “labanan” nang hilingin mismo ni Choi Kyung-jin, ang balo ni Jee, sa isang liham na ipinadala nito kay Pangulong Rodrigo R. Duterte na may petsang Pebrero 3, 2017, na alisin na ang NBI sa “reinvestigation” ng kaso dahil wala raw siyang tiwala sa isinasagawang imbestigasyon ng mga ito, upang solo na lamang mahawakan ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) ang imbestigasyon, na sa simula’t simula pa lamang nang pagtangay kay Jee at paghingi ng ransom ng mga suspek ay kaagad na hiningan ng tulong ng ginang.
Ang nakaiintriga rito, kahit na alam na alam na ng balong si Choi na may mga kasamang pulis sa mga kumidnap sa kanyang asawa ay sa PNP – AKG siya agad tumakbo para humingi ng tulong. Hindi siya lumapit man lang sa NBI. Sa aking palagay, mismong mga taga-NBI ang pinanggalingan ng mga istoryang agad nagpangalan at nagdawit sa mga pulis sa grupong kumidnap kay Jee.
Ito kaya ang patunay na ang pagpatay sa Koreano ay bahagi ng kontrobersiyal na negosyong ON LINE GAMING na palasak sa Angeles, Pampanga, na ayon sa ilang intel report ay “nakasawsaw” rin ang ilang tiwaling opisyal at ahente ng NBI?
Upang maiiwas sa kontrobersiya at ‘di na makalkal pa ang hinggil sa PROTECTION RACKET na ito ng mga tiwaling ahente ng NBI, minaniobra nila ang imbestigasyon at agad na pinangalanan ang mga suspek sa pamamagitan ng paglalantad at pagdidiin sa mga pulis, at ginamit pa nila si SPO3 Ricky Sta. Isabel na testigo, para ilusot sa kaso at ang idawit ay ang iba pang opisyal ng PNP.
Nakita ko at nabasa ang ilang bahagi ng imbestigasyon na ngayon ay hawak ng Criminal Investigation and Detection Group hinggil sa kasong ito. Ang nasisiguro ko, nakakahon na ang mga suspek dito kahit na mga alagad pa sila ng batas!
(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]) (Dave M. Veridiano, E.E.)