KINANSELA nitong Pebrero 2 ng Department of Environment and Natural Resources ang mga permit ng 23 minahan ng metal at sinuspinde ang sa limang iba pa dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga batas na pangkalikasan. Napaulat na nag-operate ang 23 kumpanya sa mga watershed, at kumalat sa mga ilog ang katas ng minahan.
Makalipas ang dalawang linggo, kinansela naman ng DENR ang 75 kontrata sa pagmimina, kabilang ang tatlong pinakamalalaking proyekto sa bansa—ang $5.9-billion na Tampakan project sa South Cotabato, ang $2-billion Kingking project sa Davao del Norte, at ang $2.9-billion Silangan project sa Surigao del Norte. Ang lahat ng kinanselang proyekto ay nasasakupan ng watershed, ayon kay Secretary Gina Lopez.
Tulad sa kaso ng 23 ipinasarang minahan, ang 75 kinansela ay nagbunsod ng mga protesta hindi lamang mula sa mga kumpanya ng minahan kundi mula rin sa ilang miyembro ng Kongreso. Ang ginawa ng DENR, giit nila, ay “nagdulot ng matinding pinsala” sa ekonomiya ng bansa, ngunit sumentro ang mga pagtutol sa umano’y kabiguan ng DENR na tumupad sa wastong proseso at pagiging hindi patas sa naging desisyon nito.
Inihain ng mga kongresistang sina Allen Mangaoang, ng Kalinga, at Anthony Bravo ng Coop-Natcco Party-list, ang House Resolution 756 upang imbestigahan ang naging pasya ng DENR. Giit nila, kaagad na ipinasara at sinuspinde ng kagawaran ang mga kumpanya ng minahan sa halip na pahintulutan ang mga itong magpatupad ng kinakailangang remedyo sa mga naging pagkakamali.
May probisyon ang Philippine Mining Act of 1995 na nagbibigay sa kumpanya ng minahan ng sapat na panahon upang maiwasto ang naging paglabag. May umiiral din na Miners Production Sharing Agreement na nagsasaad na sa alinmang auditing sa kumpanya ng minahan, kailangang may opisyal nitong kasapi sa audit team upang sakaling may natukoy na paglabag ay kaagad itong maaaksiyunan.
Dahil sa naging hakbangin ng DENR, napagtuunan ng atensiyon ng bansa ang mga usaping pangkalikasan na may kaugnayan sa pagmimina. Isinusulong na palitan ang Mining Act of 1995 na itinuturing ng pambansang organisasyong pangkapaligiran na Kalikasan na ugat ng lahat ng problema sa ngayon.
Sa ngayon, pinakamainam na ipagpatuloy ang kampanya nang may buong paggalang sa mga umiiral na batas at regulasyon, at isaisip ang pagkansela ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III sa P18.7-bilyon Laguna Lake Rehabilitation Project ng isang kumpanyang Belgian noong 2011. Idinemanda ng nasabing kumpanya ang Pilipinas sa International Center for the Settlement of Investment Disputes. Noong Enero, nagpasya ang center na kailangang magbayad ang Pilipinas ng P800 milyon sa kumpanyang Belgian dahil sa pamumuhunan nito, kasama ang interes, noong 2011.
Karamihan sa mga kumpanya ng minahan na kinansela ang kontrata ang posibleng gawin ang kaparehong hakbangin, lalo dahil hindi hamak na mas malaki na ang naipuhunan nila sa mga proyekto sa pagmimina. Marapat lang na tiyaking naipatutupad ang lahat ng pangangailangang legal habang itinataguyod ni Secretary Lopez ang kanyang kampanya para sa kalikasan.