PUNUMPUNO ang Star Magic calendar sa pagsisimula pa lamang ng 2017.

Halos lahat ng mga artista nila ay may projects. May seryeng My Dear Heart si Zanjoe Marudo; may A Love To Last si Bea Alonzo; Wildflower naman kay Maja Salvador kasama sina Joseph Marco at Vin Abrenica; Better Half naman kina Shaina Magdayao, JC de Vera, Carlo Aquino at Denise Laurel.

Nananalasa sa box office sina Liza Soberano at Enrique Gil dahil after three days ay tumabo na ng P100M ang kanilang pelikulang My Exs and Whys (Star Cinema) kasabay din ng pelikulang I’m Drunk I Love You nina Paulo Avelino at Maja (under TBA o Tuko Films/Buchi Boy Productions at Artikulo Uno Productions).

Hataw rin ngayong Pebrero ang Divas na sina KZ Tandingan, Angeline Quinto, Kyla at Yeng Constantino na may Star Magic tour simula sa Pebrero 17 sa Alex Theater, Los Angeles; Pebrero 18-Pechanga Casino, San Diego at Pebrero 19 sa Pittsburgh High School, San Francisco.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Sa Marso 8 ipapalabas ang pelikulang Pwera Usog (Regal Entertainment) na pinagbibidahan nina Sofia Andres, Devon Seron at Joseph Marco. Sa March 29 naman ang playdate ng Northern Lights movie nina Piolo Pascual at Yen Santos at posibleng makasabay din ng Luck at First Sight nina Jericho Rosales at Bela Padilla.

May digital concert ang OPM Pop Sweetheart na si Janella Salvador sa Marso 5. May concert naman sa MOA Arena sina Angeline, Klarisse de Guzman at Jona sa Marso 31 na may titulong Birit Queens.

Pasok din si Gerald Anderson bilang Philippine representative sa gaganaping Los Angeles Marathon sa Marso 19 samantalang magkakasama naman sina Piolo, Matteo Guidicelli at Ivan Carapiet sa annual Ironman 70.3 sa Cebu ngayong Agosto.

Sa Abril pa mapapanood ang much-awaited movie nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na may titulong Can’t Help Falling In Love kasama si Matteo at may serye rin silang La Luna Sangre.

May concert din si Erik Santos sa The Theater Solaire sa Abril 7 na siya mismo ang direktor at writer.

Mapapanood din sina Piolo, Sam, Liza, Enrique, Kim, Janella, Rayver Cruz, Darren Espanto, Robi Domingo, Eric Nicolas at Bea sa Star Magic tours courtesy of The Filipino Channel (TFC) sa Tampa, Florida (Abril 8); Vancouver, Canada (Abril 9); at San Francisco (Abril 15).

Magkakasama ulit sina Piolo, Sam, Rayver, Robi, Xian at Kim sa Las Vegas para sa isang one-night only sa Abril 14.

Coco X Funtastic 4 naman sina Pokwang, Chocoleit sa Toronto, Canada sa Abril 7, Montreal-Abril 8, New York City-Abril 9, Santa Ynez California Abril 14 at Glendale, Los angeles sa Abril 15.

At ang pinakahihintay ng lahat ng supporters ng Kapamilya talents ay mangyayari sa Mayo 21 sa Grand 25th Star Magic Anniversary Celebration sa Smart Araneta Coliseum.

Sa Mayo rin ipalalabas ang biopic ni Gregorio del Pilar na Goyo: Ang Batang Heneral mula sa TBA Productions na pinangungunahan ni Paulo Avelino kasama sina Aaron Villaflor at Jason Abalos at may launching movie naman si Sofia Andres na may titulong Yaying.

At sa Setyembre 9 naman ang ika-11th Star Magic Ball na gaganapin sa Makati Shangri-La Hotel kasabay ng launching ng digital version ng annual Star Magic catalogue. (Reggee Bonoan)