Sinabi kahapon ng Malacañang na walang pumipigil sa social media personality na si Mocha Uson kung plano nitong magbitiw na bilang board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ito ay bilang tugon sa banta ni Uson na magbibitiw siya sa puwesto dahil sa kabiguan umano ng MTRCB na ma-regulate nang maayos ang mga palabas sa telebisyon.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na maaaring mag-resign si Uson anumang oras, kasabay ng pagtiyak na mananatili itong masugid na tagasuporta ni Pangulong Duterte.
“I’m not sure about the — exactly the issues being involved. But if she feels that she needs to quit, then she is free to do so,” sinabi ni Abella sa panayam ng Radyo ng Bayan. “But as far as I know, she still said that she would be continually supporting the President in whatever capacity that she has.”
Kasabay ng pagsasabi nitong Biyernes na iniimbestigahan niya ang mga reklamo ng ilang netizen tungkol sa umano’y malalaswang eksena sa “The Better Half” at “Ipaglaban Mo” sa ABS-CBN, nagbanta si Uson na magre-resign na bilang MTRCB board member.
“Para sa kasamahan ko sa MTRCB, let me remind you I am not answerable to anyone but to the Filipino people and to the President who appointed me,” ani Uson. “Kung may nasasagasaan ako sa inyo, pasensiya na po. Paalala lang, tayo ay public servant. Tayo ay alipin ng taumbayan.”
“Kung hindi po natin makukumbinsi ang mga board members na pigilan itong mga malalaswang eksena sa telebisyon, magre-resign na lang po ako dahil hindi ko maaatim na tanggapin ang buwis n’yo (bilang suweldo) tapos hahayaan ko lang po ang mga programang ito,” sabi pa ni Uson.
“Hindi po ako kapit-tuko sa posisyon na ito.” (Argyll Cyrus B. Geducos)