BUMALIKWAS ang National University mula sa pagkakakaiwan sa first set upang makopo ang ikalawang sunod na panalo sa UAAP Season 79 men’s volleyball tournament sa San Juan Arena.

Ginapi ng Bulldogs ang De La Salle University, 27-29, 25-17, 25-21, 25-19,upang umangat sa barahang 3-1, at sumalo sa three-team logjam sa ikalawang puwesto kasunod ng namumuno at reigning champion Ateneo de Manila (4-0).

Dahil sa panalo tumabla ang NU sa University of the Philippines at Far Eastern University.

Nagtala ng 17 puntos si Fauzi Ismail habang nagdagdag naman si Bryan Bagunas ng 16 puntos upang pangunahan ang nasabing panalo para sa Bulldogs.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Bunga ng kabiguan, nalaglag ang Green Spikers na pinangunahan ni Arjay Onia na may 12 puntos sa ikatlong kabiguan sa loob ng apat na laban.

Nauna rito, nag-step-up sina Alfred Valbuena at team captain Wendel Miguel upang isalba ang University of the Philippines at makabalik sa winning track matapos ang 25-23, 20-25, 20-25, 25-16, 15-8 panalo kontra University of Sto. Tomas.

Nagposte ng 22 puntos si Valbuena habang nagdagdag si Miguel ng 21 puntos para sa Maroons na nakabalik mula sa ‘di inaasahang kabiguan sa kamay ng La Salle nitong Miyerkules.

Naputol naman ang dalawang dikit na panalo ng UST na pinangunahan ni Manuel Medina na nagtapos na may 16 puntos at bumaba sa patas na marking 2-2. (Marivic Awitan)