Mocha copy copy

MAINIT ang mata ng bagong upong board member ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB na si Mocha Uson sa Better Half na pinagbibidahan nina Shaina Magdayao, JC de Vera, Denise Laurel, at Carlo Aquino na nag-pilot airing noong Pebrero 13, Lunes pagkatapos ng It’s Showtime.

Bukod sa Better Half, binanggit din ni Mocha ang Ipaglaban Mo na napapanood naman tuwing Sabado pagkatapos din ng It’s Showtime.

Matatandaang bago umupo ang kontrobersiyal na supporter ni Pangulong Rody Duterte ay nagsabi na siyang tatanggalin niya ang soft porn sa telebisyon dahil nakakagambala ito sa mga manonood.

Silvanas, pasok sa ‘50 best cookies in the world’

Napaisip din kami bilang miyembro ng entertainment press kung ano ba ‘yung tinatawag na soft porn sa telebisyon dahil sa pagkakaalam namin kapag maselan ang mga eksena ay may rating itong SPG o Strong Parental Guidance.

Pero iba ang gustong mangyari ni Mocha Uson na nagsasabing tila naabuso raw ang SPG rating na ibinibigay ng MTRCB.

Sa video post niya sa kanyang blog, sinabi niya na magre-resign na lang siya bilang board member ng MTRCB dahil hindi niya kayang mag-isang supilin ang soft porn sa telebisyon bukod pa sa hindi raw narebyu ang umereng Ipaglaban Mo noong Sabado.

“Ang reklamong ito hindi lang galing sa akin,” paliwanag ni Mocha, “may public pressure na kung bakit nakalulusot ito sa akin (rape scene sa Ipaglaban Mo at iyong haba ng halikan, nakapatong na babae sa lalaki sa The Better Half).

“Sistema kasi, ang nakasanayan nang kalakalan niyong dating pamunuan ng MTRCB, halimbawa, sinabi rin naman ito sa akin sa orientation, halimbawa na may 15 episodes ang isang teleserye, ang iparerebyu lang ay iyong pilot episode.

“Puwedeng hindi ganoon kalaswa (ang pilot episode). Ang mga susunod na lalabas na eksena magse-self regulate na ang mga TV network. Doon ko nakikita ang problema kaya gusto ko matanggal ang SPG at Self Regulation dahil inaabuso nila ang pribelihiyong ito.”

Nabanggit pa na nag-self regulation daw ang Ipaglaban Mo kaya lumusot ang rape scene.

Nabanggit din ni Mocha na tatlong miyembro lang ng MTCB ang nagrebyu nito at malamang hindi siya kasali kaya siya nagsasalita.

“Kahit anong gawin ko na magkaroon ng pagbabago sa MTRCB at sa mga palabas na programa, wala ring mangyayari, iisa lang ako sa board members.

“Trenta ang board members, ang iba pa roon ay mga nakaupo na dati pa sa dating administrasyon at may mga nakasanayan na po silang ginagawa roon. May mga iba roon na hindi sang-ayon sa pagbabago.

“Kaya bakit pa tayo nasa MTRCB ngayon? Bakit pa? Ano pang silbi natin diyan sa MTRCB kung wala ring pagbabago na patuloy pa rin ang kalaswaan, violence, kung hindi rin pala susunod ang mga pamunuan, ang mga board member sa direksiyon ng ating bansa na magkaroon ng pagbabago.

“Sayang lang din ang mga tax na ibinabayad sa amin kung nakalulusot din ang mga malalaswang eksena na ipinagmamalaki pa ng mga TV network.

“Ngayon kung ayaw nila sa pagbabagong ito dahil sa may mga taong ayaw ng pagbabago, magre-resign po tayo, but I will still help and serve our country voluntarily.

“I will bring this up to the chairman (Rachel Arenas) on Monday (ngayon) kung ano ang magiging feedback.”

Mukhang malalim ang pinaghuhugutan nitong si Ms. Mocha Uson, Bossing DMB.

Anyway, ang tanong namin sa bagong upong MTRCB board member ay nabanggit ba niya sa co-members niya ang concern niya tungkol sa pagtanggal ng SPG o Strong Parental Guidance rating?

Kasi po, Ms. Mocha kung hindi kami nagkakamali bago na-approve ang SPG rating ay maraming proseso ang pinagdaanan.

Dumaan ito sa public hearing bago naipatupad ni Sen. Grace Poe-Llamanzares noong siya ang hepe ng ahensiya. Hindi po naman ito basta-basta dinesisyunan na, ‘o lagyan ng SPG’, hindi po ganoon.

Ang alam din namin kung may problema sa mga kasamahan ang isang board member sa MTRCB, sila-sila lang muna ang nagtatalakayan bago ito isapubliko.

Ano ba ang ginawa ni Ms. Mocha Uson, binidyo niya ang sarili niya para sabihin ang mga reklamo niya at saka ipinost sa social media. For public consumption agad, parang mali po yata.

Sa pagkakaalam din namin noong Enero na pumasok si Miss Mocha sa MTRCB at dumalo siya sa orientation ay isa-isa namang tinanong ang mga bagong pasok bilang miyembro kung may isyu silang gustong i-bring up para pag-usapan ng board, at ang balita namin ay wala naman siyang binanggit. At ngayong Pebrero ay absent siya sa meeting o anumang pagtitipon ng board members.

At ‘yung binanggit niya na ngayong araw ay kakausapin niya si Chairman Rachel Arenas tungkol sa hinaing niya at kung hindi maayos ay magre-resign siya. E, teka, nagpa-schedule o nakipag-appointment na ba siya para sa meeting?

Bakit sa publiko niya ipinaalam na makikipagkita siya kay Chairman Arenas? Baka nga hindi alam ng bagong upong MTRCB chief na makikipagkita siya ngayong araw, ano ito, ‘bulagaan?’ Paano pala kung may ibang kausap si Chief?

Nakalulungkot lang na basta na lang nagdesisyon sa sarili si Mocha na magbibitiw siya sa kanyang puwesto dahil sa hindi nasunod ang gusto niyang mangyari. Hindi pa puwedeng pag-usapan muna nila sa loob ng MTRCB ang problema bago siya magdesisyon?

E, baka nga kung may maldito at maldita rin na miyembro ng MTRCB, e, sagutin siya ng, ‘eh, di mag-resign ka, care naman namin.’ Hindi ba mas masakit pakinggan iyon kung sakali, Ms Mocha Uson? (REGGEE BONOAN)