NAGKAISA ang mga dumalo sa thanksgiving presscon para sa 25th anniversary ng Star Magic na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang pinaka-sweet sa lahat ng love teams nang gabing iyon.
Para ngang nilalanggam sa pagiging sweet sina Daniel at Kathryn kahit nakaharap ang entertainment press.
Pagkatapos ng special number na handog nila sa press kasama ang iba pang mga sikat na love teams nina Enrique Gil at Liza Soberano, Elmo Magalona at Janella Salvador, Sofia Andres at Diego Loyzaga, Julia Barretto, Joshua Garcia at Ronnie Alonte at iba pa ay agad kinorner ng mga katoto ang KathNiel.
Panay ang yakap at halik ni Daniel kay Kath sa harapan mismo ng mga nag-iinterbyu sa kanila, huh!
Kinilig tuloy ang lahat sa pahayag ni Daniel na hindi na raw siya sanay na hindi niya kasama si Kathryn. Binanggit naman agad ni Kath na masaya naman daw siya na ipinadarama ni Daniel kung gaano siya kaimportante sa buhay nito.
“Nakakatuwa ‘yun, dahil ‘di niya itinatago, very vocal siya. Malaking bagay ‘yun sa akin,” sey ni Kath.
Naitanong din kay Kathryn ang pagsusuot niya ng bathing suit sa Boracay na talaga namang nag-reveal ng kanyang kaseksihan.
Marami ang nagkomento na pasadung-pasado na ang katawan ni Kathryn sa mature roles.
“Depende pa rin naman ‘yun sa kung ano ang magiging desisyon ng Star Magic na humahawak sa amin. Kumbaga, tiwala naman kami sa kanila at alam kong hindi nila kami pababayaan pagdating sa mga roles na gagawin ko,” lahad ng sikat na young actress.
Pero kahit magbigay ng blessing ang Star Magic ay hindi pa rin naman daw basta-bastang tatanggap ng seksing roles ang dalaga dahil kailangan pa rin ang approval ni Daniel.
Hindi raw kasi payag si Daniel na ipakita ni Kathryn sa publiko ang kaseksihan niya.
Samantala, ginagawa na nila ang fantaseryeng La Luna Sangre at ang pelikulang Can’t Help Falling In Love.
(JIMI ESCALA)