Tatangkain ni two-division world champion Donnie “Ahas” Nietes na kumuha ng pandaigdig na kampeonato sa ikatlong dibisyon sa pagkasa kay Thai Eaktawan Krungthepthonburi para sa bakanteng International Boxing Federation (IBF) flyweight belt sa Abril 29 sa Cebu City.

Si Nietes din ang mandatory at No. 1 contender kay WBO flyweight champion Zou Shiming ng China pero waring iniiwasan siya ng ka-stable ni eight-division world titlist Manny Pacquiao sa Wildcard Gym ng Amerikanong trainer na si Freddie Roach.

Sa edad na 35-anyos, masaya na si Nietes na tatangkaing maging ikatlong Pinoy boxer na magiging kampeon sa tatlong dibisyon sa boksing matapos nina Pacquiao at five-division world titlist Nonito Donaire Jr.

May kartadang 39-1-4, tampok ang 22 knockout, si Nietes ang pinakamahaba ang tuloy-tuloy na pagkakampeon sa boksing mula 2007 nang matamo niya ang WBO minimumweight crown hanggang nitong 2016 nang bitiwan niya ang WBO light flyweight title.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dating flyweight champion ng Thailand si Krungthepthonburi na dalawang beses nang lumaban sa Pilipinas pero natalo nina Albert Pagara noong Nobyembre 15, 2012 via 2ndround knockout sa Maasin City Sports Complex sa Southern Leyte at sa 10-round unanimous decision ni Froilan Saludar noong Oktubre 26, 2013 sa Makati Coliseum sa Makati City.

Pero mula nang matalo kay Saludar ay nagtala si Krungthepthonburi ng 15 sunod-sunod na panalo, 11 sa pamamagitan ng knockout kaya nangakong patutulugin si Nietes para maiuwi sa Thailand ang koronang binitiwan kamakailan ng Pilipino ring si two-division world titlist Johnreil Casimero.

May rekord si Krungthepthonburi na 22-3-0, kabilang ang 15 knockout at ang mga talo niya ay puro sa labas ng Thailand. (Gilbert Espeña)