Hindi isinilang na mayaman si Pangulong Duterte, dahil noong bata pa ay dumanas din ng paghihirap ang kanyang pamilya, ayon sa Malacañang.

Ikinuwento ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang simpleng pagsisimula sa buhay ni Pangulong Duterte upang pabulaanan ang mga espekulasyong paiba-iba ang sinasabi ng huli tungkol sa yaman ng pamilya nito.

Itinanggi kamakailan ng Presidente ang mga alegasyon ni Senator Antonio Trillanes IV na mayroon siyang P2 bilyon sa bangko, ngunit nilinaw na hindi naman siya nanggaling sa mahirap na pamilya. Matatandaang minsan nang sinabi ng dating mayor ng Davao City na mahirap lang ang kanyang pamilya, at nagkuwento pa nang masaksihan niya ang paggiba sa kanilang bahay, na nag-iba na ang may-ari.

“Unang-una hindi flip-flop ‘yan. It’s just an explanation of how the family progress as a family over time,” sinabi ni Abella nang kapanayamin sa radyo.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“When he was growing up there was no luxury. But ‘nung ano, medyo may edad na siya at may edad na din ‘yung — when the father ano — he left them some form of inheritance,” sabi ni Abella.

Ayon kay Abella, nang lumipat ang mga magulang ni Duterte sa Mindanao mula sa Visayas noong bata pa si Duterte, ay kakaunti lang ang pera ng mag-asawa at kinailangang mamuhay nang walang luho.

Nakilala sa serbisyo-publiko ang mga magulang ni Duterte: ang kanyang amang Vicente Duterte ay isang abogado mula sa Cebu, habang isang guro naman sa Agusan del Norte ang ina niyang si Soledad.

“Wala silang lavish lifestyle, hindi sila mayaman. Because the parents, unang-una, immigrant ‘yan eh, ano, talagang hindi pa sila nakapag-impok,” kuwento ni Abella. “Meron naman silang suweldo and all that but they were government employees so there was nothing there.”

Inatasan kamakailan ni Pangulong Duterte ang Anti-Money Laundering Council na ilantad ang kanyang yaman.

(Genalyn D. Kabiling)