Maging ang hepe ng isang Police Community Precinct (PCP) ng Valenzuela City Police ay hindi sinanto ng mga kawatan makaraan itong mabiktima ng miyembro ng kilabot na “Basag-Kotse” gang at tangayan ng mahahalagang gamit sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat ni Supt. Robert Domingo, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 10:45 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Fidel Street sa kanto ng Bulacan Street sa Gagalangin.

Sa reklamo ni Senior Insp. Marissa Santos, 34, hepe ng PCP 6 ng Valenzuela City Police at taga-Fidel Street, Gagalangin, natutulog sila ng kanyang pamilya sa loob ng kanilang bahay nang gisingin siya ng kanyang hipag at sabihing may bumasag sa kanang passenger seat window ng kanyang gray na Honda CRV (WNR-782), na ipinarada niya sa panulukan ng Fidel at Bulacan Streets.

Nadiskubre ni Senior Insp. Santos na bukod sa pagkabasag ng salamin ng sasakyan ay nawawala rin ang kanyang iPhone 4s cell phone (P15,000), isang pares ng Michael Kors sneaker (P11,000), isang pares ng PNP patrol shoes (P1,500), isang pares ng Nine West sandals (P2,000), assorted goods (P1,500), mga damit (P3,000), dalawang magazine ng .9mm caliber na may tig-15 bala, at isang Game Boy (P2,500).

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Tinutugis na ng mga awtoridad ang hindi pa kilalang suspek, na inilarawang edad 20-30, nasa hanggang 5’9” ang taas, balingkinitan at nakasuot ng T-shirt, shorts at tsinelas. (MARY ANN SANTIAGO)