DINISMIS ng Court of Appeals ang “Dishonesty, Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of Public Service” laban sa mga dating miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal.
Ang resolusyon sa dismissal ay inilabas ng Court of Appeals matapos maghain ng motion for reconsideration ang Task Force Abono—Field Investigation Office (TFA-FIO) ng Ombudsman tungkol sa naunang desisyon ng CA na dinismiss ang kasong administratibo laban sa mga dating miyembro ng BAC. Ang pag-dismiss ng CA ay dahil sa kawalan ng ebidensiya para mapatunayan ang mga alegasyon.
Matatandaan na ang nasabing mga dating opisyal ng Rizal ay pinaratangan na hindi nagsagawa ng public bidding na isang paglabag sa Government Act o Republic Act 9184. Ngunit sinabi ng CA na ang paggamit ng direct contracting bilang isang paraan ng alternative procurement ay makatwiran at ito’y naaayon sa mga probisyon ng procurement law. Ang Court of Appeals ay wala ring nakitang grave misconduct sapagkat ang mga alegasyon o paratang ay walang pruweba na nilabag o binalewala ang mga batas. Ang paratang laban sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee ay nag-ugat tungkol sa mga pondo ng fertilizer. Ang mga pinawalang-sala na mga dating miyembro ng BAC ay sina Eagene Durusan, Eduardo Torres, Cecilia Almajose, Romulo Arcilla, Jr., Victorina Olea, Virgilio Esguerra, at Danilo Rumbawa.
Sa desisyon noong 2016 ng CA ay isinasantabi ang desisyon ng Ombudsman laban sa mga miyembro ng BAC dahil sa kawalan nito ng ebidensiya. Idinagdag pa ng CA: “We remain steadfast to Our earlier findings and conclusion, which WE based on the facts of the case, the law on the matter and the applicable jurisprudence.”
Ang resolution ng CA ay inilabas ng kampo ni dating Rizal Governor Casimiro Ynares, Jr. nang hindi magsampa ng kasong graft ang mga state prosecutor laban... sa kanya at sa mga miyembro ng BAC noong nakalipas na linggo.
Samantala, pinagkalooban ng P25 milyon halaga ng mga medical equipment ang Antipolo City Hospital System—Annex 1. Ang turn-over ng mga medical equipment ay ginanap sa Sumulong Park at mismong si Antipolo City Mayor Jun Ynares ang tumanggap kamakailan. Ang mga medical equipment ay mula kina Antipolo Representative Chiqui Roa Puno at dating Antipolo Representative Roberto Puno. Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Jun Ynares na nagsabing napakaling tulong sa ospital ng Antipolo ang ipinagkaloob na mga medical equipment. (Clemen Bautista)