Makaraang ilabas ng Social Security System (SSS) ang unang listahan ng mga nahatulang delinquent employers, nagbabala naman si Chairman Amado Valdez na aarestuhin ang mga ito.
“Puwede kayong tumakbo, pero hindi kayo makakapagtago,” sabi ni Valdez.
Nabatid na ipinalabas ng mga korte ang pinal na desisyon nito laban sa mga kumpanyang lumabag sa SSS Law, habang ang iba sa mga ito ay nagbigay ng paunang bayad ngunit hindi na binayaran ang balanse, samantalang ang iba ay hindi pa naaaresto kaya hindi pa nagbabayad ng kani-kanilang obligasyon.
Ang mga kumpanyang nahatulan sa paglabag sa SSS Law ay ang NIDF Corporation, Information Technology Solutions Int’l., Inc., Caps & Crown Enterprises, Stanley Fine Furniture, Niovis Shipping Co., FVA Manpower Training Center and Services, GDS Security Investigation Agency, Dr. Joel Mendez, at Holy Cross Learning School of Nabua, Inc.
Sinabi ni Valdez na patuloy na isasapubliko ng SSS ang listahan ng mga delinquent employers upang makatulong ang publiko sa paghahanap sa mga ito nang tuluyang mapanagot sa batas.
“Maging babala rin sana ito sa kanila na hindi titigil ang SSS hanggang hindi nila (delinquent employers) nababayaran ang kontribusyon ng mga miyembro,” babala ni Valdez. (Jun Fabon)