IBAAN, Batangas - Patay ang isang kapitan ng barangay matapos umanong pagbabarilin sa Ibaan, Batangas nitong Sabado ng hapon.
Kaagad na binawian ng buhay si Demetrio Magtibay, alyas Kapitan Rio, 38, chairman ng Barangay Lucsuhin, Ibaan.
Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 1:25 ng hapon at katatapos lang ayusin ni Magtibay ang trapiko sa Bgy. Balanga para sa prusisyon ng isang libing at pasakay na sa motorsiklo nang pagbabarilin ito.
Tumakas ang mga suspek sakay sa motorsiklo, at inaalam na ng pulisya ang motibo sa krimen. (Lyka Manalo)