GAMU, Isabela – Nabulabog ang mga residente ng dalawang barangay sa Madella, Quirino makaraang itaboy umano sila ng mga armado, na pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA), mula sa kani-kanilang bahay para kubkubin ang kanilang lugar nitong Sabado ng hapon.
Ayon sa impormasyon mula sa Camp Melchor Dela Cruz sa Upi, Gamu sa Isabela, sinalakay ng mga rebelde ang mga barangay ng Cabua-An at Sto. Niño sa Madella, na nagdulot ng labis na takot sa mga residente.
Batay sa report, bandang 2:10 ng hapon nitong Sabado nang sumalakay ang mga rebelde at itinaboy ang mga residente mula sa kani-kanilang bahay at pinalilipat sa barangay proper kung saan ligtas umano ang mga ito.
Pebrero 13 nang 54 na pamilya mula sa Bgy. San Martin sa Madella ang itinaboy din ng mga umano’y miyembro ng NPA mula sa kani-kanilang bahay kasunod ng pagsalakay doon ng nasa 100 armado, na nanatili sa isang eskuwelahan sa lugar, ayon sa report.
Karamihan sa mga residente ay natakot at nag-panic, partikular ang mga bata.
Samantala, kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng 86th Infantry Battalion sa lugar upang resolbahin ang problema at nagpapatrulya na ngayon sa mga lugar na sinasabing kinubkob ng NPA.
“The 5ID troops will continue to provide security to the people of Madella who are being harassed and intimidated by this armed group,” saad sa pahayag ng 5th Infantry Division ng Philippine Army. “As for the NPA, I encourage you to lay down your firearms and live peaceful lives.” (LIEZLE BASA IÑIGO)