CABANATUAN CITY - Dalawang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 3 ang sinibak sa puwesto habang apat na iba pa ang nasa floating status kasunod ng malawakang balasahan sa regional office.
Na-relieve sa puwesto sina Aurora Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Joselito Blanco at Bataan PENRO Raul Urmamac.
Pinalitan si Blanco ni Nicomedes Claudio, CENRO-Casiguran, habang si Raymund Rivera ng CENRO-Masinloc sa Zambales naman ang pumalit kay Urmamac.
Nasa floating status naman sina CENRO-Dingalan Jimmy Aberin, CENRO-Muñoz (Nueva Ecija) Gerundio Fernandez, CENRO-Baliuag (Bulacan) Meliton Vicente at CENRO-Tarlac Laurino Macadangdang.
Nananatili naman sa puwesto ang mga PENRO chief na sina Leovino Ignacio ng Nueva Ecija, Celia Esteban ng Bulacan, Rafael Otic ng Pampanga, Emelita Lingat ng Tarlac, at Laude Mirsalac ng Zambales.
Na-retain din sa puwesto ang mga opisyal ng CENRO na sina Ariel Mendoza ng Bagac (Bataan), Florencio Jalu ng Dinalupihan, Roger Encarnacion ng Guiguinto (Bulacan), Ricardo Lazaro ng Cabanatuan City (Nueva Ecija), Rommel Santiago ng Bacolor (Pampanga), Alfredo Collado ng Camiling (Tarlac), at Marife Castillo ng Olongapo City (Zambales).
Ayon kay DENR-Region 3 Director Francisco Milla, ang balasahan sa mga opisyal ng kagawaran sa rehiyon ay bunsod umano ng ibinabang desisyon ng grupong binuo ni DENR Secretary Gina Lopez.
Nilinaw naman ni Milla na wala pang special order for relief kina Aberin, Fernandez, Vicente at Macadangdang bilang mga CENRO officer. (Light A. Nolasco)